LRT fare hike looms early 2011

Posted at Dec 27 2010 10:58 PM | Updated as of Dec 28 2010 10:53 AM

Tila hindi magiging maganda ang bungad ng taon para sa mga nagtitipid na pasahero ng LRT.

Ayon kasi sa DOTC, posibleng tumaas ang pasahe sa LRT sa unang quarter ng 2011.

Mula sa dating P12, plano ng LRTA board na gawing P30 na ang pasahe.

Ayon pa sa DOTC, nararapat na itong itaas matapos ang matagal nang panahon na ang gobyerno ang sumasalo sa pasahe ng publiko.

Ganito rin ang pinaplanong aksyon sa MRT.

"Kahit na may P30 tayo, lugi pa rin. Dahil ang tunay na cost ng isang pasahero sa LRT o MRT ay P63. So iyong subsidy hindi pa rin mawawala iyon," sabi ni Undersecretary Dante Velasco ng DOTC.

Ngayon pa lang, mariin na itong tinututulan ng mga suki ng LRT.

"Siguro ngayon, huwag muna... dahil ang sahod ng mga pasahero enough lang sa daily needs nila," sabi ni Mylene, isang pasahero ng LRT.

Paglilinaw naman ng DOTC, isasailalim muna ito sa public consultation bago ipatupad.

Mula naman nang ipatupad noong December 17 ang “Oplan Isnabero” ng DOTC laban sa mga taxi drayber na namimili at nangongontrata, 75 driver na ang nasampulan.

Hindi pa rin bilib sa kampanya ang ilang pasahero.

"Namimili pa rin sila (mga taxi driver). Gusto nila malapit, " sabi ng pasaherong si Grecille Cuencia.

Para naman sa DOTC, maituturing na tagumpay ang “Oplan Isnabero.”

"Effective iyon kasi na-deploy natin iyong 40 mobile patrols. At ang response ng ating kababayan, very overwhelming," sabi pa ni Undersecretary Velasco.

Umabot sa mahigit 19,000 ang reklamo via SMS ang kanilang nakalap. Ang 700 dito, beripikado at idadaan sa hearing.

Mahigit 400 reklamo rin ang pumasok sa DOTC hotlines kaya lalong desidido ang DOTC na ituloy ang kampanya at turuan ng leksyon ang mga abusadong driver. Alex Santos, Patrol ng Pilipino