7 milyong Pinoy, di na kailangang magbayad ng buwis

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 09:22 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Halos 7 milyong manggagawa ang ma-e-exempt o hindi na magbabayad ng personal income tax simula sa susunod na taon.

Bunsod ito ng pinirmahang tax reform law ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kabilang ang public school teacher na si Art Bonete Jr. sa mga empleyadong magiging exempted sa pagbabayad ng personal income tax. 

Sa bagong tax reform law kasi, ang lahat ng kumikita ng P250,000 kada taon o nasa P20,800 hanggang P21,700 kada buwan, wala nang babayarang income tax simula sa 2018.

Ayon kay Bonete, malaking ginhawa ang maidudulot ng maitatabi niyang pera para matustusan ang kaniyang tatlong anak.

Tanggal na rin ang personal exemptions gaya ng dating awas sa buwis para sa mayroong nakadependeng hanggang apat na anak.

Pero kahit ang mga empleyadong lagpas sa P250,000 ang kita kada taon, may bawas din sa income tax.

Sa datos na ibinigay ng Bureau of Internal Revenue, maglalaro sa P50,000 hanggang P100,000 ang mababawas sa personal income tax ng regular employees na nasa gitna o malaki ang suweldo.

Pero hindi pa kasali sa kuwenta ng BIR ang mga regular na kaltas gaya ng SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG.

Puwede namang gamitin ang “tax calculator” ng ABS-CBN News para makita ang pinagkaiba ng income tax ngayon kumpara sa bagong batas.

Makukuwenta rin dito ang magiging take-home pay sa ilalim ng bagong sistema sa pagbubuwis.

Ikinatuwa naman ni Bonete ang magiging dagdag-kita pero may pangamba pa rin siya na baka bawiin lang ito sa ibang paraan gaya ng pagtataas ng presyo ng mga pangunahing produkto.

Tatamaan kasi sa unang tax reform package ang singil sa kuryente at presyo ng produktong petrolyo na malamang ay magpapataas ng presyo ng maraming bilihin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.