Income tax bababa; presyo ng petrolyo, kotse, tataas sa reporma sa buwis

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2017 07:57 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Sumasahod si Edmundo Manzano ng P12,000 kada buwan bilang konduktor at kasalukuyang nagbabayad ng mahigit P20,000 buwis kada taon.

Kaya't laking tuwa niya nang malamang hindi na siya kailangang magbayad ng income tax simula 2018 kapag tuluyang naisabatas ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) bill.

Pati ang self-employed professionals tulad ng doktor at mga negosyante, mas simple na rin ang pagbubuwis para sa kanila.

Flat rate na 8% na lang ang kanilang babayaran para sa kumikita ng lalagpas sa P250,000 kada taon. 

Bababa man ang income tax na babayaran ng mga manggagawa, babawiin naman ito ng gobyerno sa ibang bilihin gaya na lang ng produktong petrolyo. 

Halimbawa, ang diesel ay papatawan ng P2.50 kada litro sa unang taon, P4.50 kada litro sa ikalawang taon, at P6 sa ikatlong taon. 

Kaya ang full tank ng isang sasakyang may kapasidad na 45 litro, tataas sa P1,732 ang gastos mula sa average na P1,620 sa presyong P36 kada litro ng petrolyo.

Kapag tumaas ang presyo ng krudo, posible ring tumaas ang singil ng pamasahe.

May karagdagang buwis din ang juice at softdrinks -- P6 kada litro ng juice at P12 kada litro ng softdrinks. 

Halimbawa, ang 1.5 litro ng softdrink na kasalukuyang P46.50, tataas ng halos P20 ang presyo. 

Hindi naman pinatawan ng buwis ang mga gamot sa diabetes, cholesterol, at high blood, gayundin ang socialized housing, senior citizens, at maging mga business process outsourcing companies sa loob ng special economic zones. 

Pero para sa Grupong Action For Economic Reforms may mga probisyong hindi patas gaya na lang ng karagdagang buwis sa mga sasakyan. 
    
May ilang mas mahal na sasakayan na makakakuha pa ng diskuwento sa ilalim ng niratipikahang bersiyon ng TRAIN bill.

Ang P3.3 milyong sasakyang karaniwang magiging P4.5 milyon dahil sa mga buwis, ngayon ay magiging P3.9 milyon sa bisa ng TRAIN bill.

Habang ang mga mas murang sasakyan na nasa P700,000 ang halaga na kasalukuyang P732,000 ang nagiging presyo dahil sa buwis, magiging P770,000 na ang presyo sa pagpapatupad ng unang bahagi ng tax reform package.

"You have greater relief for the working class, the middle class, and even the rich," ani Jo-Ann Latuja Diosana, senior economist ng Action for Economic Reforms. 

Dismayado rin ang grupo sa napakaliit na pagtaas ng buwis sa sigarilyo. 

-- Ulat ni Michelle Ong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.