NTC: SMS should be 80 cents apiece

Posted at Nov 30 2011 10:02 PM | Updated as of Dec 01 2011 09:56 AM

Natuwa si Gay sa balitang may bawas na ang singil sa text simula ngayon.

Pero nadismaya siya dahil nang mag-balance inquiry, piso pa rin ang nabawas sa ipinadala niyang mensahe

“Na-frustrate kami kasi akala namin siyempre Christmas na, marami kaming mate-text. Pero it turns out na hindi pala,” ani Gay.

Malinaw ang pahayag ng National Telecommunications Commission (NTC) na mula P0.35, ibababa sa P0.15 ang interconnection charge simula ngayong araw.

Ang bawas na P0.20, dapat daw mapunta sa benepisyo ng consumer.

“Kasi P1 ang regular text ngayon. Dapat bumaba iyan ng hindi tataas ng P0.80, ‘yung promo hindi maaapektuhan, regular text lang,” ani Director Edgardo Cabarrios ng Common Carrier and Authorization ng NTC.

May natanggap na reklamo rin si Cabarrios tungkol sa hindi pagsunod sa utos ng NTC pero iniimbestigahan pa ito.

Lumilitaw na iba ang interpretasyon ng Smart, Sun at Globe sa paliwanag ng NTC sa bawas-singil sa text.

Nanindigan ang mga telco na kung tutuusin, mas mababa pa sa P0.80 ang singil nila sa text dahil sa sangkaterbang promo na puwedeng pagpilian ng mga consumer.

Giit ng Smart, nasa P0.10 na lang ang average rate ng kada text dahil sa iba't ibang promo.

Sabi naman ng Globe, makakadagdag ang utos ng NTC sa mga benepisyo ng customer na tumatangkilik sa unlimited service.

Sa panig naman ng Sun, mas mababa pa raw sa P0.80 ang singil nila sa "all text promo.”

“Kapag ang tinignan natin, sabihin mo, gawin mong P0.80, ang mangyayari diyan biglang mawawala ang bucket mo, tataas ang presyo lalo ‘di ba?” ani Atty. Bill Pamintuan, senior vice president for legal services ng Digitel.

Pero nilinaw ng NTC na hindi kasali ang promo sa usapan kundi regular text lang.

Naghahanda na rin ng reklamo sa NTC ang grupong Textmate dahil sa hindi pagsunod ng mga telco sa direktiba.

Iniutos din ng NTC na huwag alisin ang mga unli-promo ilang araw bago at pagkatapos ng Pasko at Bagong Taon. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino