Eksperto: Mas maraming Pinoy 'di handa sa gastos sa libing

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 10:48 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Maraming Pilipino ang hindi handa sa gastos sa libing, ayon sa isang eksperto.

Sa Paraiso Memorial Park, halos lahat ng nakausap ng news team ay may memorial plan at loteng nakaabang para sa sarili at sa mga mahal sa buhay.

Pero ayon sa isang expert sa personal finance, mas maraming hindi handa para sa mga gastos sa libing.

“Yung ordinaryong manggagawa na halos sakto lang ang kinikita, medyo hirap silang magtabi ng pera kaya pag namatayan, dahil wala kang pera, ipinangungutang mo yan,” sabi ni Joe Ferreria, pangulo ng Money Doctors.

Mahalagang pag-usapan at paghandaan ito para hindi magulat ang pamilya sa gastos.

Una, maghanap ng funeral home na kadalasan ay may mga inaalok na package deal. Ang mga gastos sa kabaong at funeral service ay pwedeng lumampas ng isang milyong piso, pero depende ito sa ganda ng serbisyo, at sa pagpipiliang funeral home.

Ang interment o ang hukay ay nasa P25,000 hanggang P50,000, depende sa memorial park. Ang cremation fee ay aabot ng P15,000 hanggang P25,000.

Bukod pa rito ang presyo ng lote o pwesto sa columbarium na aabot ng P70,000 hanggang P150,000 para sa private at ang public, P1,500 hangang P5,000 lang.

Sa lapida pa lang, P2,500 pag marble, P6,000 pag granite na iba't ibang kulay. Sa lagayan ng abo o ang urn, P1,500 ang adult marble, P5,000 naman para sa granite o bakal.

Ang good news, pwedeng gamitin ang senior citizens discount sa mga ibang gastos tulad ng interment o cremation.

Sa ibang lungsod naman gaya sa Mandaluyong, may alok na libreng cremation para sa mga pinakamahihirap na residente, bilang tugon sa kakulangan sa lupang mapaglilibingan.

Libre ring inilalagak sa isang underground columbarium ang mga labi para sa mga wala nang kaanak at hindi na nadadalaw. – Umagang kay Ganda, 1 November 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.