Grand Kapamilya Negosyo Fair opens

Posted at Aug 14 2010 10:54 PM | Updated as of Aug 15 2010 09:44 AM

Libu-libong mga nais mag-negosyo ang dumagsa sa Grand Kapamilya Negosyo Fair sa SM Mall of Asia. Layunin nito ay tulungan at paramihin pa ang mga gustong magnegosyo sa bansa. 

Sampung taong OFW sa Singapore si Eliza Gapuz. Ngayong nakauwi na siya ng Pilipinas, gusto niyang gamiting puhunan sa negosyo ang kanyang pinaghirapan ngunit hindi niya alam kung paano ito sisimulan. 

Sinadya niya ang Grand Kapamilya Negosyo Fair. 

“Natutuwa ako sa mga nakita ko. Maraming ideas na puwedeng i-negosyo,” sabi ni Gapuz. 

Halos 100 small and medium enterprises ang nagsama-sama para sa Kapamilya Fair na layung hikayatin at tulungan ang mga katulad ni Eliza sa pagnenegosyo. 

Bukod sa exhibit, may lecture din sa mga business expert. 

“Naniniwala ang ABS-CBN na may kaginhawaan sa pagnenegosyo,” sabi ni organizer Baroy Morga. 

Isa naman ang pamilya ni Tina Lagdameo sa mga exhibitor sa food cart business. 

Ang produkto nilang tig-P5 na donut at murang pizza ay sadya raw idinisenyo para pumatok sa masa. 

Natutuwa sila dahil sa loob lamang ng isang araw ay marami nang interesadong mag-franchise sa negosyo. 

“The feedback was overwhelming and phenomenal. Ang negosyo kasi exponential ang resulta,” sabi ni Morga. 

Magtatagal hanggang Linggo ang Grand Kapamilya Negosyo Fair na inaasahang mas dadagsain pa ng mga nais magka-negosyo. -- Pia Gutierrez, Patrol ng Pilipino