Lending institutions told to bare interest rates

Posted at Jul 03 2012 10:38 PM | Updated as of Dec 06 2016 03:04 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Kahit walang palya sa pagbabayad ng credit card, nagtataka si “Bernadette” kung bakit parang maliit lang ang nababawas sa kanyang utang.

Iyun pala, nakakain lang ng interest ang malaking bahagi ng ibinabayad niya.

“Sa interes lang napunta ‘yung P16,000 o P17,000. Nakakaloka lang na ‘yung P16,000 napunta lang sa interes,” sabi ni Bernadette.

‘Di naman daw kasi ipinaliwanag sa kanya na ganoon pala katindi ang patong na interes kapag mahaba ang payment term.

Kaya naglabas ng direktiba ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa lahat ng mga establisyementong nagpapautang na dapat nakalatag sa konsyumer na uutang ang “total cost” ng loan kabilang na ang lahat ng interes, fees, service charge, discounts at lahat ng mga ipapatong na gastos may kaugnayan sa utang.

Dapat ding ipatong ang interes sa “outstanding balance” at hindi sa “principal amount” o kabuuang halagang inutang.

“If the borrower is well-informed, he can make informed decisions. He can decide if he wants to go through with the transaction,” said Nestor Espenilla, deputy governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Sa karanasan ni Bernadette, bukod sa paglalantad ng lahat ng interes, dapat daw tiyakin din ng nangutang na mas lakihan ang bayad kaysa sa nakalagay na “minimum amount due.”

Pero mas makakabubuti kung babayaran na ng buo ang pagkakautang.

“Kung minimum payment lang ang binabayaran mo, magbibilang ka,” sabi ni Bernadette.

Sakop ng direktiba ang mga bangko, credit card, lending companies, sanglaan at kahit ang mga ahensya ng gobyerno na nagpapautang. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino