ALAMIN: Sino ang makikinabang o aaray sa mahinang piso?

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2017 04:11 AM | Updated as of Jul 03 2017 09:54 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Patuloy ang paghina ng piso kontra dolyar na ngayo'y nasa pinakamahinang antas na simula 2006. Ngunit, ano nga ba ang epekto nito, at sino nga ba ang makikinabang at aaray sa mahinang piso? 

Sumadsad muli ang piso kontra dolyar, at nananatiling nasa pinakamahinang antas nito sa halos 11 taon. 

Nagsara sa P50.53 ang piso noong Huwebes, kumpara sa P50.50 noong Miyerkoles. 

Paliwanag ng mga analyst, lumalakas lang talaga ang dolyar kontra sa ibang currency dahil sa inaasahang pagtaas ng interest rates sa United States. Ibig sabihin nito ay magiging mas kaaya-ayang mamuhunan doon kaya dolyar ang binibili ng mga investor.

Nangangahulugan ang mahinang piso na mas magiging mahal ang mga imported na produkto na binibili sa dolyar, gaya ng petrolyo. 

Posibleng magmahal din ang interest na binabayaran sa panlabas na utang ng bansa. 

Sa kabilang banda, mabuting balita ito para sa mga kumikita ng dolyar tulad ng overseas Filipino workers at mga nasa business process outsourcing sector. 

Ito ay dahil mas malaking halaga ang makukuha nila kapag nagpapalit ng dolyar. 

Kaya naman, may ilang nag-aabang pa na lalong humina ang piso at lumakas ang dolyar bago magpapalit.

Ayon sa mga analyst, maaaring lalong humina pa ang piso kontra dolyar hanggang sa katapusan ng taon.

-- Ulat ni Michelle Ong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.