Labor groups protest P30 wage hike anew

Posted at May 21 2012 10:56 PM | Updated as of May 22 2012 07:27 AM

Nag-alay ng itlog ang grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino sa harap ng tanggapan ng National Wages and Productivity Board.

Kulang daw kasi ang inaprubahang P30 na umento sa suweldo.

Nang walang tumanggap ng kanilang alay, pinagbabato ng mga militante ang mga bugok na itlog.

Sumunod na sumugod ang grupo ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na tinadtad naman ng sticker ang gusali.

Masyado raw binarat ang mga manggagawa sa dagdag-sahod na papatak na sa Hunyo.

“Napakaliit ng P30, ginawa pang hulugan,” sabi ni Roger Soluta, secretary general ng Kilusang Mayo Uno.

Pero kahit P30 lang ang dagdag, aminado ang gobyerno na lalong dadami ang mga negosyanteng hindi susunod sa mas mataas na minimum wage.

Noong 2011, 15% hanggang 20% ng lahat ng negosyo sa bansa ang hindi sumunod sa minimum wage.

“We expect na that will increase but eventually it will taper off when there is better information,” sabi ni Ciriaco Lagunzad, executive director ng National Wages and Productivity Commission.

Ang tanong, puwede bang kausapin ng negosyante ang mga empleyado niya at arborin na lang ang wage hike kapalit ng pananatili ng negosyo at hindi magbabawas ng tao?

“Actually nangyayari iyon pero hindi tama iyon kasi kung papayagan natin iyon, kinakailangan protektahan din natin ang mga manggagawa,” sabi ni Lagunzad.

Pero kung tagilid talaga ang isang negosyo, puwedeng mag-apply ng exemption sa Department of Labor and Employment para hindi muna maitaas ang suweldo ng mga empleyado. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino