Some jeepney drivers refuse to cut fare

Posted at May 15 2012 09:41 PM | Updated as of May 16 2012 05:41 AM

Bukod sa hindi raw nila alam ay hindi raw sila nasabihan o ‘di kaya ay ‘di nakatanggap ng opisyal na kautusan mula sa LTFRB.

Iyan ang dahilan ng mga driver na hindi nag-rolbak ng pasahe kaninang umaga.

Pero mismong mga transport leaders na ang gumawa ng paraan para pasunurin ang kanilang miyembro.

Mas maganda ang gising ng mga pumasok sa trabaho kanina, mula P8.50 kasi ay bumaba na sa P8 ang pasahe sa dyip.

Pero nadismaya ang ilan dahil may ilang driver ang hindi pa nagpatupad ng rolbak.

“Eh ‘yun na ang nakasanayan eh. Wala pa kaming alam [na utos] eh,” sabi ng isang driver.

‘Di naman maiwasan na magtalo ang ilang pasahero at driver.

Ilang driver kasi ang naniningil pa rin ng P8.50 pasahe.

Kaya si Luz Rivera, naghanda na ng saktong barya.

“Kapag buo kasi, nangloloko ang driver. Kinukuha pa rin ang dating pamasahe na P8.50,” sabi ni Luz.

Babala ng LTFRB, maaaring patawan ng overcharging ang patuloy na maniningil ng P8.50.

Tatlong libo ang pinakamababang multa at kanselasyon ng prangkisa ang pinakamatinding parusa.

Marso pa kasi nila sinabi na kapag bumalik sa P45 kada litro ang diesel ay balik din sa P8 ang pasahe.

"Forewarned naman sila. We see no reason why hindi alam ng kanilang members,” sabi ni LTFRB chairman Jaime Jacob.

Kusa namang nagpaskil ng notice sa bagong pasahe ang grupong Pasang Masda.

Sila na mismo ang mag-uutos sa kanilang miyembro na mag-rolbak.

“Ipatupad po natin nang maayos ang paniningil sa P8 mula sa araw na ito at ang senior citizen at estudyante na may ID ay dapat bigyan ng diskuwento,” sabi ni Obet Martin, presidente ng Pasang Masda.

Pero masama ang loob ng grupo sa pagbasura sa kanilang fare hike petition.

Pinag-aaralan nila ang paghahain ng motion for reconsideration o ‘di kaya ay ng bagong petisyon.

‘Di kasi sila kumbinsido na tatagal ang mababang presyo ng petrolyo.

Sa forecast naman ng Department of Energy ay mukhang magsa-stabilize pa ang presyo ng petrolyo sa mga susunod na linggo.

Ibig sabihin, kung magkaroon man ng paggalaw ay magiging napakaliit na lamang at ‘di lalayo sa kasalukuyang presyo.

Kaya naman ang LTFRB, pinag-aaralan na rin ang pagbasura sa iba pang nakapilang fare hike petition mula sa ibang transport sector tulad ng mga bus at taxi operators.