More households up for prepaid electricity testing

Posted at Apr 17 2012 10:47 PM | Updated as of Apr 18 2012 01:41 PM

Isa ang bahay ni Mariela sa mga sinampolan ng prepaid electricity sa San Luis, Batangas.

Naisali sila sa pilot testing ng kooperatibang Batelec 1 para masubok ang bagong sistema na para lang nagpapaload ng cell phone.

Dahil kontrolado ang konsumo, ang dating P350 na bayarin ay umaabot na lang daw ng P250 noong sinubok nila ang prepaid.

“Kung prepaid po, kung P100 lang po ang pera mo ay titipirin mo talaga,” sabi ni Mariela.

Hinihintay na lang ng Batelec 1 ang permit para maipagpatuloy ang prepaid electricity.

Susubukan na rin ng Meralco ang prepaid electricity.

Sa Hulyo na ang pilot testing sa 40 bahay sa Angono, Rizal.

“Magiging abot-kaya ang paggamit ng kuryente kasi puwede na siyang magtipid ngayon,” sabi ni Alfredo Panlilio, pinuno ng Customer Retail Services ng Meralco.

January 2013 naman ang commercial testing ng prepaid power. Opisyal itong ilulunsad sa July 2013 sa 40,000 residente.

Kapag lumipat na sa prepaid system ang isang customer, papalitan na ang mga metro.

Magkakaroon din ng anim na buwang trial period at kapag nagustuhan talaga ng customer ay papipirmahin siya ng dalawang taong lock-in period o bawal muna siyang bumalik sa dating sistema.

Naghahanap na ang Meralco ng supplier ng metro na puwedeng kumonekta sa main computer gamit ang parang SIM card kung saan kahit sa text lang ay puwede nang magpa-load ng kuryente ang customer.

“Parang telepono. Ang telepono gagamitin mo lang kung may load siya, same way na ang metro as long as may load siya ay gagamitin mo,” sabi ni Panlilio.

Iyon nga lang ay nasa P8,000 ang halaga ng metro na posibleng pautay-utay ring ipasasalo sa mga customer. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino