EXCL: Pacman drops from 2nd to 135th in top taxpayers list

Posted at Apr 03 2012 10:01 PM | Updated as of Apr 04 2012 09:45 AM

Muling nanguna ang mga kilalang negosyante at mga showbiz personalities sa listahan ng mga top taxpayers ng bansa. Lumabas naman na laglag na sa top 100 si Sarangani Congressman Manny Pacquiao na dati'y number two. Exclusive, nagpa-Patrol, Anthony Taberna. TV Patrol, Abril 3, 2012, Martes

Sa top 500 individual taxpayers noong 2010 na inilabas ngayon ng BIR, pasok ang ilang mga sikat na personalidad sa showbiz at pelikula.

Nanguna sa mga celebrities si Direk Carlo J. Caparas sa kanyang binayarang higit P65 milyon, na naglagay sa kanya bilang top 3 taxpayer. Wala si Caparas sa top 500 noong 2009.

Mula sa pang-39 noong 2009, lumundag naman sa pang-17 puwesto si Kris Aquino na nagbayad ng higit P32 milyon. Pero nalaglag naman sa pang-21 ang dating top 3 na si Willie Revillame sa kanyang binayarang P26 milyon.

Kasama naman sa top 100 sina Sharon Cuneta (ika-58) na nagbayad ng higit P16M; Piolo Pascual (ika-76) na nagbayad ng higit P13M; Marian Rivera (ika-86) na nagbayad ng higit P11M; John Lloyd Cruz (ika-95) na nagbayad ng higit P10M; at Claudine Barretto-Santiago (ika-99) na nagbayad ng higit P10M.

Mula naman sa pagiging number 2 noong 2008, pang-135 na lamang si People's Champ Manny Pacquiao sa kanyang binayaran na higit P9 milyon. Mas angat pa sa kanya si Boy Abunda (ika-134) na nagbayad ng P9.2 milyon.

Kinasuhan at iniimbestigahan ngayon ng BIR si Pacquiao dahil sa malaking ibinagsak ng kanyang tax payment na ang pinakamalaki ay umabot sa higit P100 milyon.

Sa listahan ng iba pang top 10 taxpayers, kataka-takang wala rito ang mga negosyanteng nasa listahan ng Forbes magazine bilang pinakamayayamang Pilipino, gaya nina Jaime Zobel de Ayala, Fernando Zobel de Ayala, Henry Sy, Sr., Manny Pangilinan at Lucio Tan.

“Hindi naman ho importante na makasama kayo sa top taxpayers,” ani Commissioner Kim Hinares ng BIR. “Ang importante ay kung nagbabayad ba tayo ng tamang buwis.”

Nananawagan naman ang BIR sa publiko na kahit nasa top taxpayers o hindi, dapat magbayad ng tamang buwis bago lumampas ang April 15 deadline. Anthony Taberna, Patrol ng Pilipino