Banks brace for Holy Week rush

Posted at Mar 29 2012 10:40 PM | Updated as of Mar 30 2012 06:40 AM

Sinabihan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga bangko na tiyaking may sapat na pera ang mga ATM nila.

Dapat din nakaabang ang mga tauhan ng bangko para agad na i-refill ang mga ATM sakaling maubusan ito ng cash.

“Huwag sila mag-aalala kasi ngayon may 10,000 plus ATMS nationwide,” sabi ni Judith Sungsai, director ng Central Point Contact Department ng BSP.

Tiniyak rin ng Megalink na handa sila sa pagdagsa ng mga magwi-withdraw.

Inaasahan nilang aabot nang hanggang 1 million transactions araw-araw sa mga ATM ngayong Holy Week kumpara sa 500,000 lang sa ordinaryong araw.

“They could still transact on Thursday, Friday, Saturday and the ATMs will be in place,” sabi ni Philipp Shane Carlos, senior product manager ng Megalink.

Naabutan naman ng News team ang ilang depositors na ngayon pa lang nagwi-withdraw na.

“Lubus-lubusin na nila ang pagkuha nila sa ATM kasi baka maghabol sila eh baka wala na silang mapindot,” sabi ng isang depositor.

Nagbigay naman ang BSP at Megalink ng tips sa mga depositor.

Una, mag-withdraw ng sapat na halaga nang maaga.

Huwag ipamigay ang pin ng ATM at tiyaking walang nakakakita habang pinapasok ito sa ATM.

Tiyaking walang depekto o bara sa labasan ng pera sa ATM.

Hangga’t maaari, gamitin ang ATM na pang-shopping sa mga tindahan na tumatanggap ng ATM.

Tandaan ang hotlines ng mga bangko sakaling magkaaberya.

At higit sa lahat, planuhin ang mga gastusin.

Nag-abiso naman ang BDO na sarado ang lahat ng branches nila mula April 5 hanggang 8.

April 9 naman magbubukas ang mga branch nila sa mga mall. RG Cruz, Patrol ng Pilipino