ABS-CBN News

Jeep operators insist 50-cent fare hike not enough

Posted at | Updated as of 03/09/12 6:34 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Mismong ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang nangako sa mga transport group na ilalabas na ang desisyon sa hirit na P0.50 provisional increase sa pasahe sa jeep.

“Baka bukas po may decision na ang board,” sabi ni Atty. Manuel Iway, board member ng LTFRB.

Pero kahit ibigay, isusulong pa rin ng mga operator ang P2 dagdag pasahe sa jeep.

“Hindi sapat. Talagang iyan ang aming masasabi. Hindi sapat,” sabi ni Zenaida Maranan, presidente ng Fejodap.

“Ang mga nawala sa amin noong nakaraan, idadagdag mo lang iyon, kulang pa rin,” sabi ni Boy Vargas, presidente naman ng LTOP.

May babala rin ang mga transport group sakaling barilin ng Department of Transportation and Communication (DOTC) ang hirit na dagdag-pasahe.

“Ang nangyayari na rito hindi na transport strike. Baka ang mangyari na rito welgang bayan,” sabi ni Efren de Luna, presidente ng ACTO.

Pati grupo ng mga provincial bus operator umapela rin sa LTFRB na aprubahan din ang hirit nilang dagdag pasahe.

“Inaasahan po sana namin ang P0.10 na provisional increase,” sabi ni Alex Yague, presidente ng Provincial Bus Operators Association.

Kanina tumaas na naman ang petrolyo -- P0.60 sa gasolina at P0.20 sa diesel.

Sa kada taas, lumalaki rin ang kabig ng gobyerno dahil lumalaki ang nakokolektang value added tax.

Halimbawa sa presyo ng gasolina ngayon na P56 kada litro, mahigit P6.70 ang kabig ng gobyerno sa VAT na daragdagan pa ng mahigit P4 na excise tax.

Ang kabuuan, mahigit P11 ang napupunta sa gobyerno na buwis sa kada litro ng gasolinang naibebenta.

Dito pasok ang panukala ni dating Budget Secretary Benjamin Diokno na tapyasan ang VAT habang tumataas ang presyo ng krudo.

Matagal nang may nakahaing panukalang tanggalin o bawasan ang VAT sa Kamara pero giit ni Congressman Teddy Casiño, hindi naman ito pinapansin ng liderato ng Kongreso. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino