Umento sa sahod, ipinanawagan ng ilang nurse

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2018 09:54 PM | Updated as of Jan 28 2018 10:58 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nananawagan ang ilang nurse na itaas ang buwanang sahod at iba pang benepisyo para mahikayat silang manatili at magtrabaho sa bansa.

Ayon sa ilang nurse, hindi sapat ang tinatayang P25,000 o kaya'y mas mababa pang sahod kada buwan para sa nurses sa bansa.

Isa ang registered nurse na si Benjie Foscablo sa mga walang makitang ginhawa kung mananatili sa bansa.

Hindi naman buo ang loob niyang mangibang-bayan dahil nasa paglilingkod sa mga kapwa Pilipino ang kaniyang puso.

"Hindi talaga enough 'yong mga nakukuha nilang compensation, benefits," ani Foscablo.

May ibang nurse ding dumaranas daw ng "contractualization" sa ilalim ng health worker deployment program ng gobyerno.

Aminado ang Philippine Nurses Assocation, na unti-unti ring bumababa ang bilang ng mga nagsisilbing nurse sa mga government hospital.

"Many of our nurses would claim na may mga cases of one is to 30 [patients], one is to 50 [patients]," ani Ruth Thelma Tingda ng Philippine Nurses Assocation.

Sa tala naman ng Philippine Nurses Association of America, aabot na sa 5,000 Pinoy nurse ang nagtatrabaho sa Amerika dahil sa magandang pasuweldo at benepisyo.

Sinisiguro ng grupo na binibigyan nila ng proteksiyon ang mga overseas Filipino nurse.

"The responsibility of all the stakeholders [is] to ensure that we protect the rights of the nurses and their interests," ani Dino Doliente, presidente ng Philippine Nurses Association of America.

Bukod sa mas alaga umano sila abroad, naaakit din ang ibang Pinoy nurse na mangibang-bayan dahil sa teknolohiya at mga makabagong pamamaraan ng propesyo ng pagiging nurse.

Wala namang sagot pa ang Department of Health sa hirit ng mga nurse ng dagdag-suweldo dito sa bansa.

-- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.