Bandila, Miyerkules, Oktubre 22, 2008


abs-cbnNEWS.com | 10/22/2008 11:53 PM

Jocjoc malapit nang umuwi sa Pilipinas
Papauwiin na ng Pilipinas si dating agriculture undersecretary Jocelyn "Jocjoc" Bolante na dalawang taon nang nakakulong sa Kenosha County Jail sa Wisconsin sa America. Ayon sa kaniyang abugadong si Ira Azulay, babalik ng Pilipinas si Bolante bago matapos ang Oktubre.

Noong Pebrero pa daw noong isang taon ibinaba ng US court ang final order of removal para alisin sa kulungan at ibalik ng Pilipinas si Bolante. Pero, ayon kay Azulay hindi na naghabol si Bolante para makauwi na sa kanyang pamilya.

Ikinatuwa ni Atty. Harry Roque ang balita. Panahon na daw para harapin ni bolante ang pananagutan sa fertilizer scam.

Hindi naman nababahala ang Malacañang. Ayon kay Usec. Anthony Golez hindi bibigyan ng special treatment o special privilege si Bolante. Ayon naman kay Presidential Spokesperson Jesus Dureza si Bolante ay private citizen na at wala nang kinalaman ang Malacañang sa kanyang kaso.

Bolante wala pang kinahaharap na kaso
Ang problema: kahit pa mapatalsik pabalik ng Pilipinas, hindi makukulong si dating agriculture undersecretary Jocjoc Bolante. Ang dahilan: wala pang kasong nakasasampa laban sa kanya.

Base sa mga dokumentong nakuha ng ABS-CBN News, June 2006 pa lang, nakita na ng Ombudsman na may sapat na ebidensya para kasuhan si Bolante, kasama ang ilan pang opisyal. Kaugnay ito ng "fertilizer fund scam" kung saan iligal umanong ginamit ang P728 million na pondo ng gobyerno para sa kampanya ni Pangulong Arroyo noong 2004.

Ayon kay Atty. Harry Roque, na matagal nang sumusubaybay sa kaso ni Bolante, inuupuan ng Ombudsman ang kaso para protektahan si Pangulong Arroyo. Dalawang taon nang hawak ng Ombudsman ang ebidensya laban kay Jocjoc, pero ayon kay Deputy Oombudsman Mark Jalandoni, hindi pa rin tapos ang imbestigasyon.

Iba pang mga heneral na pumuntang Russia ipinatawag din ng Senado
Hinala ni Senator Miriam Santiago: balak itakbo ni retired PNP director Eliseo dela Paz ang dala niyang 105,000 euros o mahigit P7 milyong cash na dala niya sa Russia. Ipina-subpoena na si dela Paz para humarap sa imbestigasyon ng Senado sa Huwebes.

Ipinatawag na din sina PNP chief Gen. Jesus Verzosa, asawa niya, at mga kasama sa PNP delegation sa Interpol assembly sa St. Petersburg. Ang mga hindi sisipot, posibleng ipaaresto! Ipina-subpoena rin si DILG Sec. Ronaldo Puno na pinagdududahan din ni Senador Santiago.

Siniguro naman ni Puno na mamadaliin ng Napolcom ang pag-iimbestiga kay dela Paz. Katunayan, inutusan na ang mga PNP official na ibigay ang kuwenta ng kanilang mga ginastos sa Russia. Ang deadline: limang araw imbes sa nakaugaliang 30 araw.

Rollback di pa rin sapat ayon kay Recto
Umpisa Huwebes ng hatinggabi P45.00 kada litro na lang ang average na presyo ng diesel. Ang gasolina naman maglalaro sa P47.00 kada litro.

Pero para kay NEDA Director General Ralph Recto, mas malaki pa rin ang dapat ibawas sa presyo ng mga produktong petrolyo. Dapat nasa P35.00 na lang kada litro ang diesel, at ang gasolina P41.00 na lang dapat kada litro.

Bumaba na sa $70.00 kada bariles ang presyo ng crude oil sa world market at tumaas na ang piso kontra dolyar. Kaya kung meron mang nalulugi ngayon dahil sa utay-utay na rollback ng mga kumpanya ng langis, ayon kay Recto, walang iba kundi ang mga konsumer.

Pagtaas ng singil sa kuryente apektado ang mga bilihin
May panibagong madadagdag sa singil sa kuryente. Pagkatapos kasi ng Meralco, Napocor naman ngayon ang humihirit ng umento. Ang siste, nagdedelikado ring tumaas ang presyo ng ilang mga bilihin dahil dito.

Babala ng mga nasa manufacturing industry, tataas ang presyo ng mga produkto gaya ng sardinas at iba pang de lata dahil siguradong lolobo ang kanilang electric bill. "Bad timing" din daw ang dagdag-singil dahil nakisabay pa ito sa hagupit ng global financial crisis.

Pero may isa pang buntal na tatama sa mga consumer dahil buo na rin ang desisyon ng ERC sa petisyon ng Napocor na taasan din ang halaga ng kanilang kuryente.

Isa pang posibleng makapagpataas ng singil sa kuryente ang pasya ng ERC na ibalik na sa normal ang kalakalan sa "spot market" o bentahan ng kuryente simula October 25 dahil naayos na ang nasirang transformer ng TransCo.

Mga kaanak ng mga OFWs sa death row kinalampag ang DFA
Nag-rally ang mga kaanak ng mga OFW na nasa death row sa harapan ng DFA Miyerkules. Natatakot kasi silang matulad sa napugutan ng ulo na si Jenifer Bedoya ang mga mahal nila sa buhay.

Ayon sa Migrante at mga kamag-anak nila, hindi raw nila titigilan ang DFA, kahit aaraw arawin nila ito, para siguraduhing ginagawa nila ang lahat para matulungan ang mga OFW.

Nagapadala na raw ang DFA ng request letter para mabisita ang mga nakakulong na Pinoy ng Consul General at mga abugado.

ABS-CBN paiimbestigahan dahil sa interbyu kay Kumander Bravo
Pinaiimbestigahan ng DOJ sa National Telecommunications Commission at KBP ang interview ng ABS-CBN News kay MILF Kumander Bravo. Ayon kay Justice Secretary Raul Gonzalez, posibleng nilabag ng ABS-CBN ang ilang probisyon sa prangkisa nito nang i-ere ang mga pahayag ni Bravo.

Dagdag pa ni Gonzalez nakasaad sa prangkisa na ipinagbabawal ang paggamit ng istasyon para itulak o udyukan ang pag-aaklas laban sa gobyerno. Posibleng ipatawag pa ang reporter na si Jorge Cariño na gumawa ng interview dahil sa mga tanong nito kay Bravo.

Nanindigan naman si ABS-CBN News and Current Affairs head Maria Ressa na tungkulin ng mga mamamahayag na i-ulat ang mga pangyayari at tauhang nakakaapekto sa interes ng publiko. Karapatan din ng publiko na malaman ito.

Ayon pa kay Ressa, lehitimo ang pagbabalita kay Kumander Bravo at naaayon sa "ethical standards of journalism" dahil si Bravo ay isa sa mga dahilan ng pag-guho ng usapang pangkapayapaan. Ipagpapatuloy ng ABS-CBN ang pag-uulat kay Bravo at babantayan din nang mahigpit ang pag-tugis sa kanya ng mga otoridad.
 

as of 10/23/2008 2:13 AM



Video


More Videos


Storypage Ad zedo