Bandila, Lunes, Oktubre 20, 2008


abs-cbnNEWS.com | 10/21/2008 1:18 AM

Mga tricycle driver pinaulanan ng benepisyo
May maagang Pamasko ang Pangulo sa halos 700,000 tricylce drivers -- diskwento sa petrolyo, health cards, at scholarship!

Pinagmalaki ni Pangulong Arroyo sa pagharap niya sa mga ito kanina sa pagtitipon ng Tricycle Drivers Association.  Ang mga ito ay huhugutin sa pondo ng pamahalaan habang ang pangatlo diskwento sa gasolina ay mula sa isang oil company.

Pero meron pa ring mga hindi kuntento. Masyado pa rin daw kasing mataas ang presyo ng petrolyo. Sa hiwalay na panayam kay Energy Sec. Angelo Reyes, sinabi naman nitong umaasa ang gobyerno na magtutuloy tuloy na ang pagbaba ng presyo ng langis.

Lokasyon ni Dela Paz di pa matukoy
Bigo ang mga nag-abang kay retired PNP Director Eliseo dela Paz sa NAIA. Inaasahan kasing kaninang hapon ang balik nina dela Paz matapos i-abswelto ng Russian customs dahil sa halos P7 milyong naharang sa kaniya doon.

Hindi ngayon malinaw kung  nasaang bansa si dela Paz, Police Director Jaime Caringal at kanilang mga asawa. Sabado pa daw sila umalis ng  Moscow, ayon sa Embahada ng Pilipinas sa Russia.

Ayon kay NAIA Security Chief Angel Atutubo, hindi naman daw siguro inililihim ng PNP ang pagdating nina dela Paz. Katunayan, Martes pa ng ala-una ng hapon inaasahan lahat ng media ang dating nina dela Paz sakay ng Singapore Airlines batay na rin sa napagkasunduan nila ng PNP.

Asawa ni Dir. Gen. Verzosa, ikinuwento ang karanasan sa Moscow

Nagsalita na ang asawa ng PNP chief na kasama sa PNP delegation na naharang sa airport sa Moscow, Russia.

Balewala kay Gng. Cynthia Verzosa ang pagkakaharang sa kanila sa Moscow Airport nitong Oktubre 11. Una nang pinabalik dito sa bansa si Gng. Verzosa dahil wala namang nakitang problema sa kanya ang Moscow airport security.

Para kay Gng. Verzosa, walang masama sa kanilang biyahe. Hintayin na lang anya na personal na makapag-paliwanag sina dela Paz bago husgahan.

Kumander Bravo: Hindi kami susuko
Eksklusibong humarap sa ABS-CBN News ang mailap na si Kumander Bravo ng MILF 102nd Base Command. Kasama niya ang mahigit sa 300 armadong tao na kinabibilangan din ng mga mujaheedan o babaeng mandirigma.

Dito inamin ni Bravo na sila ang umatake sa Kauswagan, Lanao del Norte noong Agosto kung saan may napatay  silang mga nanlaban.

Pero itinaggi niya na sila ang responsable sa pagkamatay ng mga babae at batang sibilyan. Nanindigan din si Bravo na hindi sila susuko.

‘Zero remittance day’ isasagawa bilang protesta vs migration forum
Isang araw na walang padala! Yan ang panawagan ng ilang mga OFW bilang protesta sa tinuturing nilang pagpapabaya sa kanila ng gobyerno ayon sa International Migrant Alliance, samahan ng overseas workers mula sa 40 bansa.

Hindi naman nabahala ang mga economic manager. May magpapadala pa rin daw kahit sinasabing dalawampung libong ofw pang makikilahok sa boycott. Pero banat naman ng mga migrant workers, huwag pakasisiguro ang gobyerno dahil tiyak na malaki ang magiging epekto nito sa gitna ng dinaranas na krisis pinansyal ng mundo.

At imbes gastusan pa ang Global Forum on Migration sa October 29, ilaan na lang daw ang pera para tulungan ang mga OFW sa death row o hanapan sila ng trabaho sa Pilipinas para hindi na mag-abroad pa.

Mga resulta ng melamine tests idadaan muna sa BFAD
Pinagsabahin ngayon ng BFAD ang mga pribadong testing center na idaan muna sa kanila ang resulta ng kanilang mga melamine test. Ito'y para hindi malito ang publiko.

Payo naman ng BFAD sa publiko: sa oras na buksan ang delata, isalin agad ang laman nito sa ligtas na lalagyanan para maiwasan ang anumang kontaminasyon.

Bibingkang Pamasko, patok na negosyo
Palatandaan ng papalapit na Kapaskuhan ang bibingka! At, para sa iba, ang nakaugalian tuwing magpapasko, naging patok na negosyo!

Minana pa natin sa ating mga ninuno ang paggamit ng galapong o giniling na bigas sa mga kakanin. Karaniwan itong meryenda ng mga magsasaka sa bukid. Nang magsimula ang simbang gabi---naging paborito naman itong almusal.

Sa Cainta, ang “bibingka capital” ng Pilipinas, mahigit tatlumpung taon na ang "Juanchitos" sa kakaibang pagluluto nila ng bibingka.

Sa Via Mare, tradisyunal ang pagluto sa bibingka, medyo mahal nga lang. Meron din namang mas mura, pero masarap ding bibingka--- sa Felmar's Bibingka. Paano man niluto---at anoman ang nadadagdag na sangkap, nananatili ang bibingka at puto bumbong na masarap na meryenda at simbolo ng Paskong Pinoy.

as of 10/21/2008 2:23 AM



Video


More Videos


Storypage Ad zedo