Bandila, Biyernes, Oktubre 17, 2008
abs-cbnNEWS.com | 10/18/2008 1:49 AM
Printer-friendly version |
Send to friend |
Share your views
Dela Paz lusot na sa Russian customs
Mahigit dalawang oras ginisa ng Russian customs si dating Philippine National Police comptroller Eliseo dela Paz bunsod ng pagbibitbit niya ng 105,000 euros o P6.9 million na itinuturing na “contingency fund”.
Ayon kay Philippine Consul General to Russia na si Joselito Jimeno, nakumbinsi agad ni dela Paz ang mga imbestigador nang magprisinta siya ng mga dokumentong magpapatunay na ligal ang bitbit niyang pera.
Naghahanda nang bumalik sa Pilipinas si dela Paz sa darating na Lunes o Martes.
Byahe ng PNP officials sa LA tuloy
Tuloy ang byahe ng 37 opisyal ng Philippine National Police, Bureau of Fire, Bureau of Jail Management and Penology at Philippine Coast Guard para sa isang linggong seminar ng Federal Bureau of Investigation sa Los Angeles.
Ito ay sa kabila ng travel ban sa PNP kasunod sa pagharang ng Russian customs kay dating PNP comptroller Eliseo dela Paz dahil sa bitbit na perang hindi idineklara.
Hindi na raw maari kanselahin ang byahe dahil bahagi ito ng kanilang schooling para mapromote. Isa pa giit ng mga bibiyahe walang ginastos ang gobyerno rito.
Bidoya ‘napabayaan’ ng gobyerno
Mabait na bata naman daw ang nabitay sa Saudi Arabia na overseas Filipino worker na si Jenifer Bidoya.
Ayon sa tiyahin niyang si Maricor na nagtatrabaho sa Jeddah bilang reflexologist, hindi siya makapaniwalang patay na ang kanyang pamangkin.
Tubong-Zamboanga Sibugay, mula sa malayong isla ng Olutanga si Bidoya. Pagkatapos ng high school, lumuwas siya ng Maynila para makapag-abroad.
Sinisisi ng pamilya ang itinuturing nilang kapabayaan ng gobyerno sa sinapit ni Jenifer. Pumunta din ang pamilya sa Malacanang na nangakong tutulong pero bigo sila sa tiwalang ibinigay.
LTFRB kumpiyansa na may rollback sa pasahe
Kumpiyansa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na makakapagpatupad sila ng bawas-pasahe bago sumapit ang pasko.
Ito ay sa kabila ng pagtutol ng ilang transport groups sa isang petisyon para sa fare reduction na nakasalang na sa LTFRB simula pa September 19.
Inulit ng National Council for Commuters Protection ang hiling nilang rollback sa pasahe na P1.50 para sa mga PUJ at P2 naman para sa Metro Manila buses.
Umaalma naman ang Pasang Masda. Singkwenta sentimos lang daw ang kaya nilang rollback dahil masyado pa rin daw kasing mataas ang presyo ng langis.
Simbahan: Mga Pinoy lugmok pa rin sa kahirapan
Hindi raw nababago ang hinaing ng mga Pilipino tungkol sa kahirapan.
Ibig sabihin nito, ayon sa Simbahang Katolika: kulang ang mga ginagawa ng gobyerno para tugunan ang kahirapan.
Kaya hiiling nila huwag daw pang madalian ang gawing mga programa.
Sagot naman ng Department of Social Welfare and Development, bukod sa mga ayudang katas ng VAT pantawid kuryente at tulong pinansyal sa mga senior citizen, estudyante at buntis, pinopondohan din nila ang halos 200 pinakamahihirap na mga munisipalidad para sa mga skills-training program para mas dumami ang may trabaho at mabawasan ang mga naghihirap.
May hiling din ang DSWD sa Simbahan: makipagtulungan sa laban sa kahirapan.
Free rock concert sa Greenhills patok
Patok ang inilunsad na free rock concert sa may Greenhills Shopping Center kung saan umaapaw ang saya at sigla ng mga taong dumalo dito sa Tanduay Rhum Rockfest.
Tinatayang mahigit sa 10,000 ang dumalo para panoorin ang pagtatanghal ng 10 bigating banda ngayon, kabilang na ang Sandwich, 6cycle mind, Bamboo at Chicosci.
Inabangan din ang pagtatanghal ng dating Rivermaya frontman na si Rico Blanco.









