Bandila, Martes, Oktubre 7, 2008
abs-cbnNEWS.com | 10/07/2008 11:31 PM
Printer-friendly version |
Send to friend |
Share your views
Mga OFW maaapektuhan ng krisis sa America
Posibleng mawalan ng trabaho at mauwian ang mga overseas Filipino workers dahil sa krisis sa Amerika, iyan ang tingin ng isang University of the Philippines professor. Maging ang Pangulong Arroyo, iniutos na ito'y paghandaan.
Diniretso ni UP professor Ernesto Pernia ang pahapyaw lang ng Pangulo. Ngayong umaabot na sa Europa, Asya at Middle East ang krisis sa ekonomiya ng Amerika posibleng mawalan ng trabaho at mag-uwian ang mga OFW sa susunod na taon.
Kung hindi man raw gaanong problemado ang mga OFW sa Amerika na karamihan ay mga immigrant o US citizen na, mababawasan naman ang padala nilang pera sa kanilang mga pamilya.
Kaya ang utos ng Pangulo sa mga ahensya: gumawa ng coningency measures sakali ngang magsi-uwan ang mga OFW at mabawasan ang mga remittances sa bansa.
Paglabas ng bagong listahan ng mga produktong may melamine ipinagpaliban
Inatras ng Bureau of Food ang Drugs ang pagpapalabas ng listahan ng pangalawang batch ng milk at milk based products na sinusuri nila kung kontaminado ng melamine.
Gustong makasiguro ng BFAD na magkatugma ang resulta ng pagususuri nila at ng mga private laboratory sa melamine testing ng 22 pang milk at milk-based products. Kaya ipinagpaliban ang paglalabas ng resulta-- imbes na Martes, Miyerkules na.
Pero, naghigpit na ang Pangulong Arroyo at iniutos nang ipasara ang mga tindahang tuloy pa rin ang pagbebenta ng dalawang gatas na nagpositibo sa melamine sa pagsusuri ng BFAD!
Pati de-latang luncheon meat at corned beef na nagpositibo sa melamine sa pagsusuri ng private laboratory na Qualibet, ite-test na rin ng b-fad. Nangangalap na ng sampol ang National Meat Inspection Service na isusumite sa BFAD, bilang panigurado.
Mga Sy, Ayala interesado rin sa Philamlife
Dumarami nang kumpanya ang nagsasabing interesado silang bilhin ang Philamlife. Isa sa mga unang nagsabi na interesado sila sa kumpanya ang Yuchengco group. Pero kanina pati ang Ayala Corporation sa pamumuno ng chairman nitong si Jaime Augusto Zobel de Ayala nagpahayag na rin ng interes sa insurance giant.
Maugong pati ang higanteng SM Group ng pamilya Sy. Ayon sa ilang source ng ABS-CBN pinag-aaralan na ng Sy group ang posibilidad na bilihin ang Philamlife.
Maganda at matatag ang Philamlife kaya't masakit man sa mga may-ari nitong American International Group (AIG) kailangan nila itong ibenta para mabayaran ang $85 billion na utang nito sa US Federal Reserve.
Pero hindi biro ang bubunuing pera. Tinatayang aabutin ng P100 billion ang halaga ng Philamlife. At malamang, kailanganin pang magsanib-pwersa ang mga higanteng kumpanya para lang mabili ang pinakamalaking insurance company sa Pilipinas.
Teehankee wala na sa kulungan pero nasa Bilibid compound pa rin
Wala na sa loob ng kulungan pero nasa loob pa rin ng New Bilibid Compound ang nabigyan ng presidential pardon na si Claudio Teehankee Jr. Kinumpirma ni Fr. Roberto Olaguer na nasa loob ng isa pa niyang kwarto si Teehankee.
Bago pa daw nag Biyernes ay dinala na si Teehankee ito sa tirahan ni Fr. Olaguer at hanggang ngayon ay hindi pa lumalabas itong si Teehankee. Huli daw nakita ni Fr. Olaguer si Teehankee sa loob ng kwarto Martes ng hapon bago siya umalis.
Wala ngayon si Fr. Olaguer dito sa kanyang bahay dahil may programa ito sa isang radio station, at sa pag-uusap sa telepono niya ikinuwento ang lahat ng ito sa ABS-CBN News.
Ayon sa mga kapitbahay wala naman daw silang napapansin na mga pumupunta dito. Sa katunayan di daw nila alam na nasa bahay ni Olaguer si Teehankee.
Militar at MILF nagsagupa muli sa Sarangani
Nakasagupa ng 25th batallion ng militar ang grupo ng MILF na hinihinalang nanunog ng barangay hall sa Gasi sa bayan ng Kiamba, Sarangani noong Biyernes.
Nasugatan sa engkwentro sina Pvts. First Class Judy Galvez at Ebinecer Libres.
Mahigit 200 pamilya naman ang lumikas sa takot na madamay.
War shock napagagaling pero maaaring bumalik muli
Sa unang pagkakataon pinapasok ang mga news camera sa psychiatric ward ng V. Luna Hospital sa Quezon City. Dito pinapagaling ang mga sundalong dumanas ng war shock.
Aminado ang mga tagapangasiwa ng ospital na kulang sila sa mga psychiatrist. Ayon sa mga doctor ng Armed Forces of the Philippines, napagagaling ang may war shock. Ang masaklap: walang kakayahan ang militar na tulungan ang mga nagkakasakit nito.
Ang masakit pa, bumabalik ang sakit ng mga sundalo, dahil sa pangungutya ng mga kasama. Para sa kanila, pag-asa ng pagpapagaling ay nakasalalay sa AFP na hindi na ilihim ang ganitong sakit upang higit na maintindihan.
Dalawa patay, 23 naospital sa cyanide poisoning sa Ilocos Sur
Apatnapung mangingisda sa Barangay Santa Cruz, Ilocos Sur ang nalason ng cyanide matapos sumisid sa dagat.
Dalawa na ang kumpirmadong namatay at 23 ang ginagamot sa Tagudin Hospital.
Mahigit dalawang linggo na silang nangingisda doon pero ngayon lang linggong ito may nalason. Inabisuhan na ang mga taga-Sta. Cruz na huwag munang lumusong sa dagat.
Inaalam pa ng Sta. Cruz police kung saan nanggaling ang nakalalasong kemikal.
Oil reserves sa Palawan kumpirmado na
Dalawang lugar sa northwest Palawan ang nasuri ng kumpanyang Nido Petroleum ay kumpirmadong may langis sa ilalim ng dagat. Tinatayang aaabot ang oil reserves na ito ng 18 milyong bariles. Magandang balita dahil kapag commercial quantity ang makukuha doon, mababawasan ang inaangkat na krudo ng Pilipinas.
Pag-aaralan ng Nido Petrolem kung kailan sisimulan ang mismong paghigop ng langis. Hindi kalayuan mula sa rig na ito na nirerentahan ng kalahating milyong piso kada araw, may isa pang kumpanyang malapit nang makahigop ng langis.
Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Palawan, hindi masisira ang yamang dagat ng mga dambuhalang istraktura sa gitna ng laot.
Ang importante, ayon sa Department of Energy, ay wala ni isang kusing na ginastos ang gobyerno sa drilling at exploration ng langis. Pero may parte pa ito kapag nagsimula ng kumita ang Nido Petroleum sa pagbebenta ng krudo.
Isa pang probinsya ng Canada naghahanap din ng Pinoy workers
Isa pang probinsya sa Canada, maraming alok na trabaho para sa mga Pinoy. Mismong mga Canadian employer pa nga ang nandito ngayon para mag-recruit.
Halos 165,000 na trabaho sa mga industriya ng tourism at hospitality, transportation at food at restaurant ang pwedeng pasukan sa British Columbia sa Canada.
Sa mga interesadong aplikante---payo ng mga taga-British Columbia---makipag-ugnayan lang sa mga recruitment agency na aprubado ng Philippine Overseas Employment Administration, o kaya, puwede rin daw mag log-on sa www.workbc.ca.









