'Nasaan si Nanay?'

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2009 07:58 PM | Updated as of Feb 14 2009 03:59 AM

Si Lourejane, 12 years old, ay panganay sa tatlong magkakapatid. Ang tatay niya ang pinaka-ilaw ng tahanan ngayon. Si tatay ang taga-luto, taga-laba, taga-palengke at si tatay din ang taga-ayos ng mga anak na papasok sa eskwela.

Pero kahit mala-mansyon ang bahay at nasusunod ang mga luho, nalulungkot pa rin daw si Lourejane madalas. Wala daw kasi ang nanay niya sa bahay nila. Nasa Italy at doon nagtatrabaho.

Si Stephanie naman, panganay rin, 9 years old. Sa lola siya lumaki. Wala rin kasi ang kanyang nanay. Sa halip, si tatay din lang ang naiiwan sa bahay kasama nila.

Sa tuwing aalis daw ang ina, umiiyak si Stephanie. At kapag kausap ang ina sa telepono, ang lagi niyang hiling ay umuwi na ito para magkasama-sama na sila.

Si Reggie, 30 years old na ngayon, naligaw ng landas. Nakailangang ulit na 3rd year noong high school; napabarkada at nakaranas mag-droga at bago pa man daw makatapos sa high school, bigla namang nag-asawa.

Lahat sila lumaking wala sa piling ang kani-kanilang mga ina.

Pitumpung porsiyento raw ng OFW natin ngayon ay mga kababaihan at karamihan dito ay mga nanay ng tahanan.

Ano ba ang epekto sa mga bata na lumaking malayo sa piling ni nanay?

Sa ulat ni Karen Davila. The Correspondents, Martes ng gabi pagkatapos ng Bandila.