Christmas poster nagdiriwang ng 'EJK'?

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 06:49 PM | Updated as of Dec 19 2017 06:50 PM

Kinondena ng pamunuan ng isang kolehiyo sa University of Santo Tomas (UST) ang isang karatulang binatikos sa social media dahil sa paggamit nito ng daglat ng extrajudicial killings (EJK).

"We regret and condemn the posting of the unofficial and unapproved Christmas poster of the College," pahayag ng Office of the Dean ng UST College of Science.

 

Ito'y matapos kumalat sa social media noong weekend ang retrato ng karatula, kung saan nakasulat: "University of Santo Tomas College of Science celebrates ... Extra Joyful Krismas."

 

"Come in your bloody red Christmas attire," dagdag pa ng karatula.

Binatikos sa social media ang karatula dahil sa paggamit nito ng daglat na EJK, na tanyag na pagpapaikli sa "extrajudicial killings" o mga pagpatay na kadalasang iniuugnay sa kampanya laban sa droga.

May ilang netizen na nagsabing "insensitive" o walang pakundangan ang karatula sa kaanak ng mga umano'y biktima ng extrajudicial killings.

Nilinaw din ng UST College of Science na mungkahi pa lang ang disenyo ng karatula at hindi pa aprubado.

"We would like to clarify that the poster was one of the suggestions but was never approved by the College. We will ensure that similar insensitive actions will not be repeated," saad ng pahayag.

Naging mainit ang usapin ng extrajudicial killings sa bansa dahil sa pagkakaugnay nito sa giyera kontra droga ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Ilang beses nang nilinaw ng mga opisyal na walang kinalaman ang gobyerno sa mga di maipaliwanag na pagpatay. Ang mga napapatay umano sa mga police operation ay pawang nanlaban. Ayon din sa pulisya, wala pang naitatalang extrajudicial killing sa ilalim ng administrasyong Duterte. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.