Tricycle driver, ibinalik ang naiwang pera ng pasahero

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2017 11:32 PM

Kalat ngayon sa social media ang post tungkol sa isang tapat na tricycle driver mula sa Batangas City.

Ayon kay Leila Magtibay, Linggo ng gabi nang nagpahatid ang kanyang kaibigang mag-asawa mula sa terminal papunta sa San Pascual, Batangas nang madiskubreng naiwan nila ang bag na naglalaman ng gamit at malaking halaga ng pera.

"And then nung pagkadating nila dito, nagkukuwentuhan kami hindi pa nila alam na nawawala yung bag nila tapos nung pagkapasok nila dito sa loob, saka lang nila na-realize na yung bag nila nawawala hindi nila makita," aniya.

Paalis na umano sana sila sa bahay para hanapin ang sinakyang tricycle, pero bago pa man sila umalis ay kusang isinauli ng tricycle driver na si Jerry Mateo ang naiwang bag ng kaibigan.

"Nagulat kami biglang dumating na lang yung tricycle driver at dala-dala yung bag kaya tuwang-tuwa talaga yung mag-asawa," ani Magtibay.

Nasa 15 taon nang namamasada ng tricycle si Mateo. Hindi umano siya nagdalawang-isip na ihatid pabalik ang naiwang gamit ng pasahero dahil para sa kanya, mas masarap gastusin ang perang pinaghirapan.

"Hindi ko naman po kayang ipakain sa pamilya ko yung hindi ko pinagpawisan," aniya.

Dahil sa lubos na tuwa ng may-ari ng bag, personal nilang ipinaabot sa pamunuan ng barangay ang katapatang ipinakita ni Mateo. Nagbigay rin umano sila ng kaunting pabuya sa kanya.

Umaasa si Magtibay na magsilbing inspirasyon si Mateo sa iba pang katulad niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.