VIRAL: Pagpupursige ng dating sampaguita vendor, hinangaan

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2017 07:24 PM

 

Hindi inaasahan ni Adriane Neil Igana, 18-anyos, na maging sentro ng atensiyon sa social media matapos na mag-viral ang post tungkol sa kanya.

Sa post ni Rhyzz Canasa-Balanday sa Facebook, kumakain umano sila sa isang fastfood restaurant nang tanungin ng kanyang asawa kung nasaan na ang batang dati nilang pinagbibilhan ng sampaguita.

Saktong nasa likod lamang umano nila si Igana na naglilinis ng lamesang iniwan ng iba pang customers.

"Pagtapos ko saka lang ako lumingon. 'Wala na po yung batang nagtitinda dyan kasi po nandirito na po ako sa loob.' Nagulat na lang po sila," kuwento ni Igana sa ABS-CBN News.

Bukod sa pagkagulat, ikinatuwa rin ng mag-asawa ang kanilang narinig.

"Tuwang-tuwa kami. Medyo naiiyak nga po ako. Talagang masipag siyang magtrabaho. Pinost ko lang po nagulat na lang po ako ang daming nakakakilala sa kanila," sabi ni Balanday.

Gaya ni Igana, hindi rin inakala ng mag-asawa na mag-viral ang post nila sa social media.

Simple lang ang pangarap ni Igana at ito ay ang maging isang pulis o magpursige sa larangan ng HRM.

"Bago po ako magtinda, tumutulong po ako sa magulang ko nagpupulot-pulot lang ng bakal at plastic. Tapos po ay may nagyaya sa akin na isang kaibigan na magtinda ng sampaguita," ayon kay Igana.

Umabot ng halos 7 taon na nagtinda si Igana ng sampaguita sa lugar ng junction sa Baliuag, Bulacan.

Sa loob ng mga panahon ito din nagawa nilang makasalamuha ang iba't-ibang klase ng tao. Isa doon ang mag-asawang Balanday na madalas din bumili sa kanila ng sampaguita.

Marami rin umanong nag-message kay Balanday na nagpapatunay sa pagiging masipag ni Igana at ng kanyang mga kapatid.

"Kung paano ko sila nakilala, ganun din nila nakilala yung mga batang nagtitinda ng sampaguita at nag-aaral sa umaga," sabi ni Balanday.

Si Igana ay may kambal at apat pang mga kapatid na lalaki.

Simpleng maybahay ang kanyang ina habang ang ama naman ay katatapos lamang ang kontrata bilang isang construction worker.

"Nagsasakripisyo sila para may pang kain kami kahit sila po yung magutom para lang kami makakain," sabi ni Igana tungkol sa kanyang mga magulang.

Ang panganay na kapatid niya ay nagtatrabaho sa Olongapo at nagpapadala ng pera sa magulang nila tuwing suweldo. 

Pero hindi pa ito sapat para sa malaking pamilyang tulad nila lalo't lahat silang naiwan sa Bulacan ay mga nagsisipag-aral pa.

"Kailangan na po namin ng malaking pera kasi po malaki na binabayaran...kaya naisipan kong mag-apply sa [fastfood]," sabi ni Igana.

Ang naturang branch ng fastfood ang isa sa tinambayan nila noong siya ay nagbebenta pa ng sampaguita. Pero bago naging crew, nagtrabaho din bilang construction worker si Igana kasama ang kanyang ama.

"Ikinukuwento ng crew na bata pa lang laging nandoon, sa drive thru. Bata pa lang tinanong na kelan ba ako pwedeng mag apply sa Jollibee?" sabi naman ni Balanday.

Laking pasalamat din ng binata sa mag-asawa sa pag-post ng kuwento nila sa Facebook.

"Nagpapasalamat po ako kung hindi dahil sa kanila, di po ako mapupuri ng ganito,” sabi niya.

May payo naman ni Igana sa mga kabataang tulad niya.

"Maging matiyaga sa buhay at huwag isipin ang mga bagay na masama at unahin pa rin ang pag-aaral kasi yun na lang ang pag-asa natin," sabi ni Igana.

Hiling naman ni Balanday na sana ay may mag magandang-loob na bigyan ng scholarhip ang masipag na bata.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.