Mga bayaning Pinoy, ipininta ng isang preso sa Laoag City

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2017 02:13 AM

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

LAOAG CITY - Halos isang taon na hindi nakakahawak ng paint brush ang pintor na si Loloy mula nang makulong dahil sa kasong pagbebenta ng iligal na droga.

Ngunit dahil sa Memorandum Circular No. 25 ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa halip na kanyang larawan at litrato ng mga pulitiko ang nakasabit sa mga public office at paaralan ay palitan ng larawan ng mga bayani, muling nakagawa ng mga obra si Loloy.

Agad kasing nagpagawa sa kanya ng portrait ng mga bayani ang pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology sa Laoag City.

“Noong nasa elementary pa ako, talagang hilig ko na ang pagdrawing. Bago ako nakulong, nangongontrata ako ng mga bahay na mapipinturahan at nagpapa-mural sila sa mga eskwelahan,” sabi ni Loloy.

Kinumpletong gawin ni Loloy ang labing apat na bayani na mismong tinukoy ng National Historical Commission of the Philippines tulad nina Lapu-lapu, Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario Mabini, Marcelo H. Del Pilar, Emilio Jacinto, Melchora Aquino, Gabriela Silang, Fr. Marciano Gomez, Fr. Jose Burgos, Jacinto Zamora, Jose Abad Santos at si Juan Luna na tubong Ilocos Norte.

Nakadisplay na ang mga ito sa warden’s office ng BJMP-Laoag City.

“Dati yung mga larawan dito, mga larawan ng mga pulitiko, si President, si secretary of DILG, yung regional director namin, si mayor, ngayon ay napalitan na ng mga pictures ng mga heroes natin,” ayon kay BJMP warden Herminigildo Rivera.

Sang-ayon naman si Loloy na larawan ng mga bayani ang mai-display sa mga opisina lalo na sa mga paaralan.

“Para sa mga kabataan, huwag kalimutan yung mga sakripisyo na nagawa nila noon,” aniya.

May ilang government offices na din sa Laoag ang nakikipag-ugnayan sa BJMP para magpagawa kay Loloy ng portrait ng mga bayani.

“Pwede silang pumunta dito sa Laoag City Jail para magpagawa at makausap siya mismo,” ayon sa warden.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.