Puntod ni 'Horror Queen' Lilia Cuntapay, dinalaw at nilinis ng fans

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 10:39 PM

Walang palatandaan kung kaninong nitso pero kilalang-kilala nila ang namayapang nakaburol dito. Denis Agcaoili, ABS-CBN News

PINILI, ILOCOS NORTE - Tulong-tulong ang mga magbabarkada sa paglinis ng puntod ng namayapang kaibigan sa Pinili Public Cemetery sa Ilocos Norte.

Pagkatapos nito, nagtungo sila sa katabing nitso.

Nilinisan at tinanggal ang mga damong tumubo sa paligid ng nitso.

Nag-alay sila ng bulaklak at nagtirik din ng kandila.

Walang palatandaan kung kaninong nitso pero kilalang-kilala nila ang namayapang nakaburol dito.

Ito ang nitso ng Ilocana actress na si Lilia Cuntapay na tinaguriang "Queen of Philippine Horror Movies."

Ayon kay Chola Bae, idolo niya si Cuntapay.

Sabi niya, lalong sumikat ang bayan ng Pinili dahil sa namayapang aktres.

“Nakikilala ang bayan namin dahil sa kanya. Masaya ako na nalinisan ko ang puntod niya,” ayon kay Bae.

Naniniwala naman si Ceo Bermudez na posibleng mas marami pa ang dadalaw sa puntod ni Cuntapay kung mapaganda ito at malagyan din ng lapida.

“Mas okay sana kung mapapaganda ang puntod niya. Hindi rin kasi alam ng mga pumupunta dito ang puntod niya dahil walang palatandaan,” sabi ni Ceo.

Ayon naman kay Christopher Palacpac, natutuwa siya sa pagdalaw ng mga fans sa puntod ng kanyang lola.

“Masaya kasi kahit may pagka-horror ‘yung mga role niya noon, hindi siya kinakatakutan. Marami pa ang dumadalawa sa kanya,” ayon kay Palacpac.

Nagpapasalamat din siya dahil binibigyang pugay ang yumaong aktres sa kanyang probinsya.

Sa Parada Iloca-Ilocana sa Ilocos Norte, nagkaroon ng "Search for the Next Horror Queen" na kung saan may mga nag-ala Lilia Cuntapay.

Sumakabilang-buhay sa edad na 80 si Cuntapay noong Agosto 20, 2016.

Nagkaroon ng sakit si Cuntapay sa kanyang spinal cord at ito ang dahilan kung bakit siya naospital, at nahirapang makalakad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.