Lalaki, nag-propose sa nobya sa sementeryo

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 03:39 AM

ABS-CBN News

Karaniwang nababalot ng mga kwentong nakakatakot ang mga sementeryo. 

Pero ang magkasintahang sina Julienne Fortunato at Silas Lobchoy Jr. mula sa Baguio City, takot na hindi makasama ang isa't-isa panghabambuhay ang bersyon ng kwentong kababalaghan.

Setyembre 24 nang ma-engage ang dalawa sa isa sa mga sementeryo sa Baguio.

“Nagulat talaga ako. Hindi ko ini-expect na dito sya magpo-propose…naghahalong tuwa, touched, na of all places, ito yung pinili niyang lugar,” sabi ni Julienne.

Nakaugalian na raw ng pamilya ni Julienne na bumisita sa sementeryo tuwing Linggo. Ito’y para bisitahin ang namayapang ama na tatlong taon na ang nakalilipas.

Ito rin daw ang nagtulak kay Silas na mag-propose kay Julienne sa mismong sementeryo.

“Marami akong pinagpilian, yung mga romantic restaurants, ang set-up ay sa gabi lagi. Makikita mo madalas sa gabi ginagawa - romantic nga naman. Pero family comes first to Julienne, that's why pinili ko dito to give respect to her family, to give respect to her father.”

High school pa lamang nang mag-umpisa ang kanilang love story at 11 taon na sila ngayong magkasintahan. Nakatakda silang ikasal sa August 18, 2018.

“Julienne, nag-promise ako sa father mo dito sa grave na I'll take care of you. Hiningi ko sa kanya, and of course kay god, na i-guide tayo para sa future natin ay mas maging masaya at kumpleto ang pamilya,” mensahe ni Silas para sa nobya.

Patunay na ang sementeryo ay hindi lamang para sa mga patay, kundi pati sa mga taong patay na patay sa isa’t-isa.