PANOORIN: Ilang sundalo sa Marawi, nagpakitang gilas sa pag-'Baby Shark'

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2017 08:37 PM

Patuloy ang pagkahumaling sa awiting "Baby Shark."

Tila buong mundo na ata ang may "last song syndrome" nito o hindi mapigilang ulit-ulitin ang nakaaaliw na pambatang kanta.

Mula sa mga mag-aaral sa paaralan hanggang sa mga naglalayag sa karagatan, nakikiuso.

Maging ang mga sundalo sa Marawi City, nag-time out saglit sa military duty para mag-"Baby Shark."

Ito raw ang paraan ng mga miyembro ng 28th Marine Company para ipakita ang labis na ligayang nararamdaman sa kanilang papalapit na pag-uwi sa kani-kanilang mga bahay.

Kamakailan, gumawa ng sariling bersiyon ang mang-aawit na si Richard Poon ng "Baby Shark" na hinalo niya sa klasikong jazz tune na "Beyond the Sea."

Maging ang mga naggagandahang kandidata ng Miss Earth 2017, nahawa na rin sa "Baby Shark" fever.

Nagmula sa South Korea ang sikat na children's song. Una itong lumabas noong 2015 pa at kasalukuyang patok na patok sa Pilipinas.

-- Ulat ni Marc Logan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.