Pangarap na 'bituin' ng isang babae, ibinigay ng nobyo

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2017 02:16 PM

Kapag umiibig nga naman, maging ang bituin nakakayang sungkitin para lang i-alay sa sinisinta.

Tulad na lang nitong lalaking ginawa ang lahat para lang maibigay sa kaniyang nobya ang "pangarap na bituin".

Tampok ang kuwento ng pag-ibig nina Hannah Chiong at Ronnie Sta. Teresa sa segment na "LSS" ng programang "ASAP" nitong Linggo, Oktubre 22.

Kuwento ni Hannah, hango sa isang eksena sa pelikulang "A Walk to Remember" ang pangarap niyang may maipangalang bituin sa kaniya.

"Isa sa bucketlist ko talaga, mapangalanan ng star," ani Hannah.

High school pa lang, magkakilala na sina Hannah at Ronnie.

Ayon kay Hannah, siya ang itinalaga sa kanilang klase para maglista at manita sa mga magugulo, kabilang si Ronnie.

"Lagi niya ako inaasar noon. Crush niya ako dati. Siya unang nagka-crush," tukso ni Hannah.

Pansamantala silang nagkahiwalay nang tumuntong ng kolehiyo, pero muling nagtagpo sa Maynila matapos magkausap sa social media.

Dito na yumabong ang kanilang pagtitinginan.

Sa kanilang paglalakbay sa Sagada sa Mountain Province, naibahagi ni Hannah ang kaniyang pangarap na may maipangalang bituin sa kaniya.

Natagpuan ni Ronnie ang isang website na nagbibigay ng sertipikong nagsasaad ng pagpapangalan sa isang bituin.

Sa isang pamamasyal sa Sorsogon, habang pinagmamasdan ang mga bituin sa may dalampasigan, ibinigay ni Ronnie ang regalong "bituin" kay Hannah.

Ibinahagi naman ni Hannah ang regalo ng nobyo sa Twitter. Umani ito ng 12,000 retweets at 45,000 likes.

Paglilinaw ng magkasintahan, hindi opisyal ang pagpangalan sa bituin at hindi ito kinikilala ng anumang ahensiya ng astronomiya.

"May disclaimer naman na unofficial ito," ani Hannah. "Big or small gesture, talagang sobrang na-appreciate ko ‘yon."

Handog ng R&B singers na sina Kris Lawrence at Jay-R ang awiting "Stars" ng bandang Simply Red para sa magkasintahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.