Parang milagro: Viral na taxi driver, e-jeep operator na

Aleta Nieva-Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 03:54 PM | Updated as of Oct 19 2017 07:02 PM

Hindi inakala ni Rolando Sarusad na manganganak ng biyaya ang kabutihang ipinamalas sa kanya ng isang pasahero noong nakaraang buwan.

Itinuturing "ugat" ng magandang biyaya ni Sarusad ang pasaherong si Cristina Tan.

"Hindi ko inaasahan ito. Parang milagro ang tingin ko. 
Dahil kay Cristina kaya nagpapasalamat ako sa kanya ng maraming maraming dahil siya ang ugat nitong lahat ng nangyari sa akin," sabi ni Sarusad nang muling makapanayam ng programang Lingkod Kapamilya sa DZMM nitong Huwebes ng umaga.

Si Tan ang naging pasahero ni Sarusad na siyang nagmaneho ng kanyang taxi para siya ay makapag-pahinga mula sa pamamasada.

Kuwento ni Sarusad, sumakay sa Parañaque si Tan at nagpapahatig sa bahay niya sa San Juan. Pero nang makarating sa Buendia, Makati, nakaramdam ng pagod at antok ang driver kaya't minabuti nitong itabi muna ang taxi at palipatin sa iba ang kanyang pasahero.

Para kay Tan, natuwa siya sa ginawa niya dahil nakapag-pahinga si Sarusad mula sa pamamasada.

"Ang pinaka nag-enjoy po ako nung nakita ko si tatay na natutulog at humihilik. Additional na lang po yung tao na pumapara at tumatawa," sabi ni Tan.

Pero hindi doon nagtatapos ang kuwento ng 67-anyos na taxi driver.

Dahil sa social media post ni Tan, nabigyan din si Sarusad ng maagang pamasko tulad ng bagong e-jeep na may prangkisa na at negosyong sari-sari store. 

"Sobrang saya. Nakikita ko si tatay na talagang nagulat siya sa lahat ng mga gift niya parang early Christmas gifts, and for sure, first time niyang nakatanggap ng ganyan sa buong buhay niya," sabi ni Tan.

Ayon naman kay Julius Babao, host ng Mission: Possible at co-anchor ng Lingkod Kapamilya ng DZMM, ang e-jeep ay ang bagong pagkakaabalahan ni Sarusad sa kanyang pagreretiro bilang taxi driver.

“Siya na po ang nagmamay-ari at magagamit niya bilang kanyang negosyo,” sabi ni Babao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.