Lalaki, ikinuwento kung bakit nag-'selfie' kasama ang yumaong nobya

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2017 02:29 PM

Tampok sa "L.S.S." segment ng "ASAP" ang kuwentong viral ng isang lalaking kumuha ng selfie kasama ang kaniyang yumaong kasintahan.

Umani ng mahigit 49,000 reactions at 14,000 shares ang litrato ni Michael Bernal sa Facebook kasama ang kaniyang yumaong nobyang si Mica Medina.

Unang nagkakilala ang dalawa noong Setyembre 2016.

Mas pinaigting ang pagsasama nila nang malamang buntis si Mica.

"Kahit hindi pa po kami ready, inisip ko pa rin na papakasalan ko 'tong taong 'to," ani Michael.

Nakatakda sanang ikasal ang magkasintahan nitong Agosto.

Subalit sumapit ang trahedya nang bawian ng buhay si Mica dahil sa sakit sa puso.

"Sinugod ko sa ospital tapos sabi ng doktor, wala na talaga pero 'yong baby ko may heartbeat pa," kuwento ni Michael.

Sa kasamaang palad, makalipas ang 17 oras, binawian rin ng buhay ang anak nina Mica at Michael.

"Nakita ko 'yong mag-ina ko nawala na, napakasakit," ani Michael.

Paliwanag ni Michael sa selfie, na kinunan noong unang araw ng burol ni Mica, nais ipakita ng binata na patuloy siyang umiibig sa kabila ng mapait na sinapit.

"Naging matatag pa rin ako, kasi siya mismo nagturo sa'king maging malakas kaya hanggang ngayon lumalaban pa rin ako," paliwanag ni Michael.

Inalay nina KZ Tandingan at Noel Cabangon ang kantang "Kahit Kailan" ng bandang South Border para kay Michael.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.