PANOORIN: Backhoe, ginamit ng bagong kasal sa pagtawid sa ilog

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2017 05:26 AM | Updated as of Sep 29 2017 07:56 AM

NEGROS ORIENTAL - Pinatunayan ng bagong kasal na sina Marjun at Remelyn Bellesta ang katagang "love conquers all" matapos tawirin ang malalim at rumaragasang ilog para lang matapos ang selebrasyon ng kanilang kasal.

Setyembre 23 ikinasal sina Marjun at Remelyn sa Barangay Abis, Mabinay, Negros Oriental.

Matapos ng seremonya, tumawid sila sa kabilang sitio para sa reception sa bahay nina Remelyn.

Para di mabasa, sumakay sila sa backhoe na nagkataong nasa gitna ng ilog.

Ayon kay Remelyn, may kahirapan pa sa kanilang pagtawid dahil siya'y pitong buwan na buntis.

Inihalintulad naman ito ni Marjun sa simula ng kanilang buhay mag-asawa, na madami pang pagsubok na haharapin pero kanila itong kakayanin.

Inaasahan ng mga residente ng Barangay Abis na ang pag-viral ng video ng mag-asawa ay magbigay din ng tulong upang magkaroon na ng disenteng tulay sa lugar na magagamit nila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.