'Gusto nila ng interview': Pacquiao, nilinaw ang 'Call me anytime' sa 'Chicks in the Office' host

Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 05:33 PM

Kuha mula sa opisyal na Instagram ng programang Chicks in the Office

Nagpaliwanag si Senador Manny Pacquiao Huwebes tungkol sa "You can call me anytime" na comment sa Instagram live ng isang dayuhang babae.

Setyembre 22 nang ibahagi sa Twitter ni Maria Ciuffo, isa sa mga panauhin ng programang "Chicks in the Office," ang mga screen shot mula sa kaniyang Instagram livestream.

Kita sa mga retrato ang mga mensaheng iniwan ng pambansang kamao para kay Ciuffo at sa mga tagasubaybay.

Sa hiwalay na screenshot na ibinahagi sa Instagram account ng "Chicks in the Office," makikitang sinabi ni Pacquiao na "You can call me anytime" (Puwede mo akong tawagan kahit kailan).

Giit ni Pacquiao, si Ciuffo ang unang nakipag-ugnayan sa kaniya at inimbita siya para makapanayam sa kanilang programa.

“Gusto nila akong interview-hin. Ini-invite nila ako doon sa New York sa radio station and then sabi ko, I am in the Philippines, I can’t come. So sabi ko, you can call me anytime,” ani Pacquiao sa isang panayam sa pamamagitan ng telepono.

Napapanood ang "Chicks in the Office" sa Barstool Sports, isang sports at men's lifestyle website na nakabase sa Amerika.

Bago si Ciuffo, unang naibalita ang pagpasok ni Pacquiao noong Setyembre 25 sa Instagram livestream ni Arzaylea Rodriguez, isang 22-anyos na social media sensation sa Amerika.

Paliwanag ng boksingerong senador, aksidente niyang nahanap ang livestream ni Rodriguez.

Hindi umano para kay Rodriguez ang kaniyang mga mensaheng "Hello" at "Where are you from?"

Sa halip, para umano ito sa ibang tagasubaybay ng livestream na nakapansin sa kaniyang pagsali.

"Sabi niya, 'Oh Manny Pacquiao, hello!' So nag-hello ako... Tinatanong niya ako nasa Pilipinas ka ba? Sabi ko andito ako, where are you from? Iyon lang," ani Pacquiao sa panayam. 

Batid ni Pacquiao na binigyang malisya ng ilang netizen ang iniwang comments sa social media.

Aniya, pinapatawad na lang niya ang mga may ibang tingin sa kaniyang pakikipag-usap sa mga babae sa social media.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.