SAPUL SA VIDEO: Paninigaw ng teller, customer sa senior citizen

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2017 06:12 AM

 

Courtesy of Deborah Guzman's Facebook

BAGUIO CITY—Naging viral ang isang Facebook video matapos ipakita kung paano sinagot ng isang teller at isang customer ang senior citizen sa loob ng isang remittance center sa lungsod na ito.

Umabot na sa higit 7.4 million views ang video na ipinost ni Deborah Guzman.

Kinilala ang senior citizen na si Ricardo Gomez. Ayon sa kanya, matagal na siyang naghihintay sa pila, pero hindi umano siya pinapansin ng teller.

Depensa naman ng customer na nanigaw na si Paul Gabuya, dumating siya sa remittance center para magreklamo at iritable na rin kaya hindi napigilang mapagsabihan si Gomez.

"Kausap ko sa phone iyong support ng (remittance center). Ang sabi sa akin, 'Excuse me, sir, maingay iyong background kasi maingay si manong.' Medyo irritable na ako actually kasi, kung di makuha ng pinadalhan ko iyong product, di na ako babayaran. Dahil doon it just so happened, ang malakas iyong boses ni tatay doon nasigawan ko siya," ani Gabuya.

Handout

Agad na humingi ng dispensa si Gabuya na maluwag namang tinanggap ni Gomez.

Wala pang opisyal na pahayag ang remittance center.

Pero ayon sa pinuno ng Senior Citizens Affairs office dito, susubukan nilang tawagin ang atensiyon ng remittance center.

Ayon sa Expanded Senior Citizens Act of 2010, dapat na mabigyang-prayoridad ang mga senior citizen, disabled, buntis at mga bata.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.