VIRAL: Pasahero nagmaneho ng taxi dahil inaantok ang driver

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2017 05:08 PM | Updated as of Sep 22 2017 05:51 PM

Nag-viral sa social media ang Facebook post kung saan makikitang nagmamaneho ang isang pasahero ng taxi dahil sa sobrang antok ng taxi driver. 

Sa post ni Cristina Tan noong September 15, ikinuwento niyang pinabababa na siya ng taxi driver dahil hindi na daw nito kaya pang pigilan ang antok. 

Pero imbes na lumipat pa at maipit sa trapik dulot ng rush hour, nag-presinta na lamang si Tan na imaneho ang taxi patungo sa kanyang bahay at patulugin ang driver sa likuran ng sasakyan. 

 

Ayon pa din sa kanyang post, habang siya'y nagmamaneho, nakita niyang nakatulog agad ang driver at nagawa pa nitong humilik.

Nagulat din siyang maraming pasaherong pumapara sa minamanehong sasakyan.

Pagdating ni Tan sa kanyang bahay, saka na lamang niya ginising ang driver.

Ani Tan, tuwang tuwa siya sa first time na pagmamaneho ng pampasaherong taxi.

Umabot na sa 23,000 shares ang post ni Tan na umani ng iba't ibang papuri mula sa netizens.

Kinilala naman ang driver na si Rolando Sarusad, 67 anyos.

Sa panayam kay Mang Rolando sa "Lingkod Kapamilya" sa DZMM nitong Biyernes, ikinuwento niyang simula pa alas-8 ng umaga nang magsimula siyang pumasada kaya naman dinalaw na siya ng antok nang parahin ni Tan bandang alas-5 ng hapon. 

Ayon kay Mang Rolando, simula pa noong panahon ng batas militar ay drayber na siya ng taxi pero hindi magawang tumigil dahil sa kasama pa nito ang kanyang anak. 

Sa panayam kay Tan, naisip niyang tulungan si Mang Rolando dahil na rin sa katandaan nito.

"Nakita ko po talaga siyang inaantok talaga, tapos... sabi niya mag-se-70 [years old] na siya, 'yon ang sabi niya sa 'kin kaya parang iniisip ko dapat magpahinga na siya kaya lang alam kong wala siyang anak na lalaki para [maging] kapalitan niya," paliwanag ni Tan.

Aniya, nag-alangan pa si Mang Rolando ng inalok ni Tan na siya na ang magmaneho ng taxi. 

Naiyak naman si Mang Rolando nang muli silang nagka-usap ni Tan at nagpasalamat din siya kay Tan dahil sa kabaitang ipinakita nito sa kanya.

"Saludo po ako sa inyo kahit na inaantok kayo, talagang naghahanap-buhay po kayo para sa pamilya niyo," mensahe ni Tan para kay Mang Rolando.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.