Acting di convincing: 'Bundol-bundol' modus sapul sa dashcam

Patrick Quintos, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2017 02:08 PM | Updated as of Sep 19 2017 10:31 AM

MAYNILA - Babala sa mga motorista: huwag papadala sa "acting" ng ilang taong sadyang nagpapabundol sa mga sasakyan sa highway para makakuha ng pera sa drayber.

Nitong nakaraang linggo lamang, dalawang insidente ng 'bundol-bundol' modus ang nahuli sa camera sa magkahiwalay na lugar sa Metro Manila.

Sa Alabang Viaduct nitong Miyerkoles, Setyembre 13, nagulat na lang ang motoristang si Melwin Enriquez nang may lalaking biglang nag-dive sa gitna ng kalsada kahit malayo pa siya sa bahaging iyon.

 

Ang matindi, ani Enriquez, ginawa ng hindi pa nakikilalang salarin ang kanyang modus sa mismong tapat ng mga nagbabantay na traffic enforcer.

"Pati 'yung isang enforcer nakita' yung ginawa niya kaya siguradong wala siyang lusot kahit na siguro wala 'kong dash cam," kuwento ng drayber sa ABS-CBN News.

Sa sumunod namang araw, sa bahagi ng EDSA-Pasay tapat ng Heritage Hotel, isa ring motorista ang sadyang binundol ng isang lalaking umarte pang magsusumbong sa pulis.

"Halos di umuusad ang mga sasakyan at biglang nagulat na lang ako tumatakbo ang lalaki towards me at may biglang kumalampag," kuwento ni Melgar Matulac sa Facebook post.

Aabot na sa higit 3,000 ang shares ng post ni Matulac sa Facebook at hindi naiwasan ng ilang netizens na mapuna ang pamilyar na lalaking matagal na palang nambibiktima ng mga motorista.

Kabilang na rito sa Renan Barco, na nabiktima ng parehong lalaki noong Agosto 2016. Aniya, binigyan niya ng P100 ang lalaki sa pag-akalang nabangga niya talaga ito. 

"I gave him a hundred and told him that's all I have. He took the money and cursed me, then he left while I was stuck in traffic," kuwento niya. 

Di tulad ng dalawang nabanggit na insidente, walang dashcam si Barco pero agad naman siyang nag-report sa 911. Naalerto umano ang pulisya na inakalang sadyang magpapakamatay ang lalaki.

Bukod sa parteng iyon ng Pasay, may mga nabiktima na rin umano ang parehong lalaki sa may Buendia, Baclaran, at kahit sa mga bahagi ng Taft Avenue.

Tinawagan ng ABS-CBN News ang Pasay police pero wala umano silang ulat ukol dito. Payo nila sa mga motorista, iulat sa pulisya ang mga ganitong insidente, at magsampa ng reklamo. 

Narito naman ang "Red Alert" tips para sa mga motorista sakaling makaungkuwentro kayo ng "bundol-bundol" modus:

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.