Twitter ng QC PIO napunô, rumesbak sa 'troll'

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2017 03:42 PM | Updated as of Sep 04 2017 09:20 PM

MAYNILA - Aminado ang Quezon City Public Affairs and Information Services Office (PIO) na napuno na ang isa sa mga administrador ng kanilang Twitter account sa mga "troll" na bumabanat sa kanila.

Ayon kay Ares Gutierrez, pinuno ng Quezon City PIO, nakausap na niya ang Twitter admin nilang sumasagot sa netizens at nalaman niyang magdamag na pala itong nag-duty nang makita ang "pabalagbag" na tweet sa kanila.

"Tao lang din 'yang administrators, napuno lang. 'Yung tao has been up since yesterday, magha-handover pa lang siya, tapos ganun ang gagawin," aniya.

Paliwanag ni Gutierrez, magalang naman na sinagot ng humahawak ng kanilang Twitter account ang patutsada ng isang netizen sa kanilang lumang tweet tungkol sa proyektong pinasinayaan ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos.

"Nothing political here. What we're after is help bridge Ilocos producers & QC consumers," sagot ng Quezon City PIO Twitter sa isang "SPAMela HAMderson‏" na may handle na "@Ohhkey."

Pero hindi na nakapagtimpi ang humahawak ng Quezon City PIO Twitter account sa mga sumunod na sagot ng netizens sa kanilang tweet. 

Nilinaw ni Gutierrez na nananatiling "maximum tolerance" ang kanilang polisiya sa pagsagot sa mga tweet pero minsan aniya ay kailangan ring sagutin ang trolls sa lengguwaheng naiintindihan nila.

"You deal with trolls by speaking their language. They don't deserve decency," ani Gutierrez. 

"They go online and sabotage the government communications machinery. They also do that to public figures," dagdag pa niya.

Hinihikayat ni Gutierrez ang netizens na gamitin ang social media sa tamang paraan at makisangkot sa mga diskusiyong magpapataas sa antas ng diskurso.