VIRAL: Asong tinutulungan ang among naka-wheelchair

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 10:10 PM

 

TAGUM CITY- Hindi inakala ni si Danilo Alarcon na nakuhanan siya ng video at maging instant sikat kasama ang kanyang aso sa social media.

Sa video na ipinost ni Faith Revilla noong ika-30 ng Hunyo, makikitang tinutulungang itulak si Alarcon sa kaniyang wheelchair ng kaniyang aso na pinangalanan niyang "Digong."

Ayon kay Alarcon, itinuring na niyang anak si Digong dahil kasama niya ito kahit saan.

Dagdag pa niya, hindi niya inaasahang tutulungan siya ng alaga. Nagpahinga lamang umano siya nang bumaba ang alaga at itinulak ang kanyang wheelchair.

Pitong buwan na si Digong, at pitong buwan na rin silang magkasama ni Alarcon.

Nais ni Alarcon na ipakita sa lahat na kahit ang mga aso ay may damdamin din na magmahal, lalo na sa kanilang mga amo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.