Online trend na 'mukbang,' patok din sa ilang Pinoy

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2018 09:13 PM | Updated as of Jul 09 2018 09:56 PM

Nakikibahagi na rin ang mga Pinoy sa internet trend kung saan ibino-broadcast at pinanonood sa social media ang pagkain ng iba't ibang putahe. 

Kilala sa tawag na "mukbang" o eating broadcast, ito ay isang Korean internet slang mula sa dalawang pinagsamang salita: "muk" para sa "meok-da" o "eat" at "bang-song" o "broadcast." 

Nagsimula ang mukbang sa South Korea noong 2008 sa isang video website. Libo-libo na ang ngayo'y nakiki-mukbang mula sa iba't ibang panig ng mundo.

Habang kumakain sa harap ng camera ang "BJ" (broadcast jockey) o "mukbangers" - ang mga taong gumagawa ng mukbang videos -napapanood siya nang "live’"ng kanyang mga viewers. 

Unti-unti nang sumisikat ang Filipino mukbang. Sa ngayon ay may anim nang Pinoy mukbang BJs sa YouTube na itinatampok ang mga pagkaing Pinoy sa kanilang mga mukbang videos. 

May isa namang Filipino mukbang video na mayroon nang 148,494 views. Sa video na ito ay makikita silang kumakain ng tapsilog.

Para sa mga OFW

Isa sa Pinoy mukbangers o mga taong gumagawa ng mukbang videos si Shena Rose Manuel na nakatira ngayon sa Shizuoka, Japan. 

Para kay Manuel, ang Pinoy mukbang ay para sa mga kababayang overseas Filipino worker (OFW) na kumakain mag-isa at nami-miss na kasalo ang kanilang mga pamilya.

"You (OFW) will be eating with your loved ones again, while you are... away, alone, and stressed, I’m here. Eat with me! Sabayan niyo ako, ikain natin 'yan," aniya.

Self-employed si Manuel at, aniya, nagsimula ang kaniyang hilig sa mukbang nang makapanood siya ng isang Korean drama kung saan laging kumakain ang mga artista.

"[I] discover[ed] it alone [while] watching Korean drama... and [after that, I] got hooked (to) Korean mukbangers," ani Manuel sa isang mensahe. 

Noong una umano ay nahihiya siya at hindi alam kung ano ang gagawin sa kanyang pinakaunang mukbang video.

Inspirasyon din ni Manuel ang kaniyang pamangkin sa mukbang videos na kaniyang pino-post dahil pihikan sa pagkain ang pamangkin kaya isinasama siya ni Manuel sa ilang video para mahikayat kumain.

Karamihan sa mga pagkaing kaniyang itinatampok ay pagkaing Pinoy.

'Pinoy Mukbang'

Sa kanyang unang video na "Pinoy Mukbang," itinampok niya ang munggo, pritong manok, at isda. 

Pinakasikat naman ang video kung saan kumakain si Manuel ng king crab at kanin.

Hindi tulad ng ilang mukbang video na ipinapakita lang ang pagkain, itinatampok din ni Manuel sa kaniyang videos ang recipe sa kaniyang mga kinakain.

"They(viewers) always ask for how [the food was cooked] and [what are the] ingredients so sometimes I’ll make it for them [while recording]," aniya. 

Kumikita ang mga mukbang BJs sa pamamagitan ng mga donasyon ng mga viewers. Ang donasyong ito ay tinatawag na "balloons" na puwedeng ipalit sa tunay na pera.

Pero kaiba sa nakagawian ng mukbangers, hindi tumatanggap ng donasyon si Manuel mula sa viewers.

"I haven’t withdrawn anything from it at all. I don’t [accept] and I don’t want to accept anything," aniya.

-- Ulat ni Angel Maturan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.