Estudyanteng 'kapos', nakaraos sa P20 baon

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2017 07:46 PM

Nag-viral sa social media ang post ng isang Department of Science and Technology (DOST) scholar na naitaguyod ang pag-aaral kahit P20 lang ang kaniyang baon kada araw.

Ikinuwento ng fresh graduate na si Robin Lee Metiam sa kaniyang social media post kung paano niya napagkasya ang P20 na baon hanggang makapagtapos sa kursong electrical engineering sa Tarlac State University.

First year college noon si Metiam nang mawalan ng trabaho ang kaniyang ama kaya kinailangan nilang maghigpit ng sinturon.

“Hirap kami financially, kaya iyong P50 a day na baon ko, sabi ng tatay ko, P20 a day lang kaya niya ibigay sa akin,” aniya.

Sadyang mahirap na pagkasyahin ang maliit na baon. Kapag nga raw naiawas na ang P14 na pamasahe niya sa jeep na balikan, P6 lang ang natitira sa kaniya para ipambili ng candy, samalamig, o anumang panawid gutom.

Pagdating ng third year college, nakapasa si Metiam nang kumuha siya ng scholarship sa DOST. Nalibre ang kaniyang tuition at may kasama pang P5,000 allowance kada buwan.

Pero kuwento ng nanay niyang si Felin Metiam, halos lahat ng allowance ng anak, ibinibigay din niya sa magulang.

Nasanay na umano si Robin sa P20 na baon kaya hanggang sa makapagtapos, nanatiling P20 ang kanyang baon.

Maraming netizens ang naantig sa karanasan ni Metiam. Para sa kanila, patunay siya na hindi hadlang ang kahirapan para makamit ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaaral.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.