Aral sa umaga, pasada sa gabi: 'Tsuper student' magtatapos ng kolehiyo

Patrick Quintos, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2018 12:01 PM

Gary-Roque photo || Larawan mula sa Facebook ni Gary Roque

MAYNILA - Kung karamihan ng mga estudyante ay naghihintay ng jeep pauwi tuwing hapon, pasahero naman ang hinihintay ng college student at tsuper na si Gary Roque.

Sa ikatlong taon sa Bulacan State University, kinailangan ni Roque, 22, na magbanat ng buto para makagaan sa gastusin sa bahay, kaya pinili niyang pasukin ang trabaho ng ama na jeepney driver.

"May nangyari na dalawang araw akong nilagnat pagkagaling ng biyahe," kuwento sa ABS-CBN News ni Roque na biyaheng Malolos-Malinta mula hapon hanggang madaling araw.

Bunso sa tatlong magkapatid, iginapang ni Roque ang kanyang sarili sa eskuwela. Magtatapos na siya sa kursong Industrial Technology major in Computer Technology sa Hunyo 19.

Sa pamamasada kumuha ng pambaon at pambayad sa tuition si Roque. Kapag maganda ang kita, nasa P500 ang iniuuwi niya sa isang biyahe pero kapag mahina aabot lamang sa P200 ang kita.

Pagkatapos ng klase, magbibihis lang si Roque sa bahay at didiretso na sa biyahe para makaabot sa rush hour o sa dagsa ng pasahero. Uuwi siya bandang alas-2:00 ng madaling araw.

"Pag-uwi sa amin pagtapos ng biyahe, hawak ko 'yung libro o notebook. Magrerebyu ako. Kinabukasan habang nasa biyahe papasok ng iskul, hawak ko pa rin 'yun," aniya.

Bukod sa sakit ng katawan, kinakailangan din ni Roque na sumabay sa mga beterano sa kalye, pati na rin sa mga aniya'y "buwaya" o mga tsuper na nang-aagaw ng pasahero.

May araw din aniyang natiketan siya ng enforcer na nagsasakay sa lugar na bawal. Aminado ang estudyanteng naghahabol siya ng kita noon para sa bayarin sa thesis kaya siya doon nagsakay.

"Nakiusap ako sa enforcer. 'Boss, baka puwedeng pagbigyan niyo na kumukuha lang akong pambaon.' Hindi siya naniniwala. Hindi ko po siya masisisi kasi ginagawa ang trabaho niya," aniya.

"Ang message ko lang po sa kanya: good job, ser! ginawa niyo lang 'yung tama," dagdag pa ni Roque na saludo sa enforcer na naniket, imbes na humingi ng kotong, sa kanya.

Pangamba sa 'phaseout,' aray sa TRAIN law

Sabi ni Roque, malaking gaan sa bulsa nang maging libre ang tuition sa state universities kaya sinipag siya lalong pumasada. Pero nanlumo aniya siya nang marinig ang "jeepney phaseout."

Para sa kanya, sa halip na palitan ang mga jeep, mas maiging ayusin na lamang ang mga ito para pumasa sa safety at quality standards ng gobyerno.

"Hindi pa po kami naglalakad magkakapatid, jeep na po ang hanapbuhay ng erpat ko. Kaya nung narinig ko po 'yung phaseout talaga pong nanlumo ako," kuwento niya.

"Biruin niyo po 1.6 million o 1.4 million saan po kumukuha yung drayber ng ganoon kalaking pera para makakuha ng bagong unit," sabi ni Roque sa e-jeep na ipapalit ng gobyerno sa kanilang unit.

Laking dagok din aniya ang tax reform law na nagpataas ng buwis sa mga produktong petrolyo. Ang pangakong subsidiya sa ilalim ng Pantawid Pasada program, hindi naman aniya nakarating sa kanila.

"Apektado po talaga kami. Noong nag-start akong mamasada, ang diesel nasa P30 o P29 kada litro. Ngayon po P42 na po e," reklamo ng batang tsuper.

Ngayong magtatapos na, balak nang bitiwan ni Roque ang manibela para maghanap ng trabahong regular at may sapat na kita para tumigil na sa pamamasada ang 50 anyos niyang ama.

"Saludo po ako doon. Idol na idol ko 'yung daddy ko," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.