VIRAL: Todo byaheng estudyante, ginawang toga ang naipong bus tickets

Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2018 06:08 PM | Updated as of Jun 05 2018 06:28 PM

Sa apat na taong pag-aaral niya sa kolehiyo, halos araw-araw sinuyod ni Mark James Operiano ang distansiya sa pagitan ng kaniyang bahay sa San Pedro, Laguna at kolehiyong University of Santo Tomas (UST) sa Maynila.

Kaya noong dumating ang sandaling kukuhanan na siya ng graduation photo, sa halip na toga, ang mga naipong bus ticket ang "sinuot" ni Operiano.

"When I saw some graduating students posting their graduation pictures na may kaniya-kaniyang gimmick, I thought na 'Why don't I do the same? But this time, gagamitin ko ang mga naipon kong bus tickets during my four-year course of commute, tutal wala pa namang nakakagawa noon so far,'" sabi sa panayam ng ABS-CBN News kay Operiano.

Nag-viral sa Facebook ang graduation photo ni Operiano, na sinamahan niya ng caption na idinedetalye ang mga hamong hinarap niya sa apat na taon ng pag-commute.

Kasalukuyang may higit 29,000 reactions at 6,000 shares ang post ni Operiano.

Ayon kay Operiano, hindi biro ang araw-araw na biyahe mula San Pedro hanggang Maynila, at pabalik.

Madalas umano ay isang oras at 30 minuto hanggang dalawang oras ang tinatagal ng biyahe, at kapag rush hour ay lumalagpas pa ng dalawang oras.

Mas malala pa kapag "pay day" o araw ng suweldo, at kapag dumadaan ng Skyway at South Luzon Expressway, kuwento ni Operiano sa post.

Kung hindi man maabutan ng mabigat na daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsadang iyon, mismong sa mga kalsada ng Maynila naman daw siya naiipit.

Ayon kay Operiano, noong una ay balak talaga niyang manirahan sa dormitoryo malapit sa UST, gaya ng ibang mga mag-aaral mula sa mga malalayong lugar o lalawigan.

"There are times po na pinag-uusapan namin kung magre-reside ako near UST. Those times were frequent during my first two years," ani Operiano.

Pero kinailangan ni Operiano, ikalawa sa apat na magkakapatid, na maging katuwang ng kaniyang ina sa pagpapatakbo ng kanilang bahay.

"Ako po ang sumunod sa ate ko at ang panganay na lalaki sa bahay. Si dad po kasi madalang umuwi ng Pilipinas dahil sa trabaho niya sa Saudi, so I'm the only one my mother can depend on when it comes to managing the household," ani Operiano.

Katuwang din umano si Operiano sa pag-alaga sa tiyahing hindi na nakalalakad.

MAKULAY NA BYAHE

Sa kaniyang post, ibinahagi ni Operiano ang mga makukulay na karanasan sa pag-commute, gaya noong panahong bumaba siya ng bus na naipit sa Skyway para hindi ma-late sa klase.

"Noong panahon na 'yon laging sobrang traffic sa Skyway dahil sa ginagawang C3 project and nagkataong rush hour pa... so I had that impulsive action, na kahit noong una ayaw akong payagan ng konduktor bumaba," aniya.

Masasabi ng 21 anyos na sulit ang hirap na ininda, lalo at nakapagtapos siya noong Lunes ng kursong economics bilang magna cum laude.

"Para mapagkasya ang oras ko, it was inevitable for me na mag-aral ng lessons and magbasa ng readings during my bus rides," kuwento niya.

Dagdag pa rito, nakatanggap siya ng job offer bilang language instructor sa Spain at nakatakdang magsimula sa Oktubre.

Naniniwala si Operiano na kaya nag-viral ang kaniyang post ay dahil maraming tao ang nakakaintindi sa kaniyang pinagdaanan.

Nais din niyang sabihin sa mga taong may parehong karanasan na magpakatatag dahil sulit umano ang magiging bunga ng kanilang pagtitiis.

"Manila traffic will really test one's patience and his concept of time management and discipline on work ethic. If one can endure this kind of agony for years, then I believe he can overcome any life obstacles thrown at him," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.