Bride na naka-sidecar patungong simbahan, nag-viral

ABS-CBN News

Posted at May 18 2018 02:37 AM

Kuha ni Kaycee Jose

BUTUAN CITY - Nag-viral sa social media ang mga larawan ng isang mag-ama na sakay ng isang sidecar habang papunta sa simbahan sa Bislig City, Surigao del Sur.

Makikita sa mga larawan na nakasuot ng bridal gown si Felma Masaring habang ang kaniyang ama na si Carlos ang nagmamaneho sa sidecar.

Hindi inalintana ng mag-ama ang tindi ng sikat ng araw makarating lang sa simbahan para sa kasal ni Felma. 

Kuha ni Kaycee Jose

Ikinasal si Felma noong Mayo 10 sa St. Vincent de Paul Parish sa Bislig City.

Aminado si Carlos na nahirapan silang humanap ng bridal car para sa anak dahil mahirap lang sila.

Pagkatapos ng kasal, ang sidecar din ang sinakyan ng bagong kasal pauwi sa kanilang bahay para sa isang salo-salo.

Ang sidecar ay mas kilala sa tawag na "tura-tura" sa lugar.

Kuha ni Kaycee Jose

Hindi naman akalain ni Kaycee Jose na siyang kumuha ng mga larawan na magiging viral ito.

Sa ngayon, umabot na ito sa 14,000 likes at 9,000 shares sa Facebook. - ulat ni Rex Gaitano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.