KILALANIN: Mga komedyanteng Hapon na may pusong Pinoy

Rose Carmelle Lacuata, ABS-CBN News

Posted at May 14 2017 08:51 PM | Updated as of May 14 2017 10:15 PM

(L-R) Kazuo Inoue, Horikkoshi Yuuki at Kazuki Tanaka. Rose Carmelle Lacuata, ABS-CBN News

MANILA - Tatlong komedyanteng Hapon ang ngayo'y nakikipagsapalaran sa Pilipinas upang magpatawa gamit ang wikang Filipino.

Mahigit isang taon nang naninirahan sa Pilipinas sina Kazuo Inoue, Horikkoshi Yuuki at Kazuki Tanaka, mga komedyanteng mula sa Japan.

Sampung taon nang komedyante si Yuuki, habang si Inoue at Kazu ay apat na taon nang komedyante at kilala sa Japan bilang ang duo na Golden Age.

Ayon kay Inoue, una silang pumunta sa Pilipinas matapos silang ipadala dito ng kanilang kumpanya.

"Ngayon, maraming ibang bansa punta sa komedyanteng Hapon. Thailand, Vietnam, Indonesia, Taiwan, Malaysia," aniya.

Pero dagdag niya, napamahal na rin sila sa Pilipinas sa loob ng isang taon nilang paninirahan rito.

"Una, company utos. Pero ngayon, gusto ko sa Pilipinas," ani Inoue.

"Gusto ko sa Pilipinas dahil maraming mabait na tao, at marami magandang lugar," dagdag pa niya.

Ayon naman kay Yuuki, marami na silang napuntahang magagandang lugar sa Pilipinas. "Halimbawa, sa Cebu, sa Boracay, Quezon Province, sa Tondo," aniya.

Dagdag pa niya, masaya siya sa kanyang paninirahan sa Tondo.

"Masaya sa Tondo. Maraming mababait na tao. Totoo, maraming mababait na tao. Masamang tao, lahat patay. Ngayon mabait na lang, kaya masaya," aniya.

Para naman kay Kazu, gusto niya sa Pilipinas dahil sa masarap na pagkain at magagandang dagat.

"Ako din, isang beses, pumunta sa Boracay. Ako, gusto ko langoy. Sobrang malinis dagat kasi," aniya.

Ayon sa tatlong komedyante, na kilala ngayon bilang HPN 3, gusto nilang maging sikat na mga komedyante sa Pilipinas.

Gusto umano ni Yuuki na magpalabas sa mga comedy bar, habang mas gusto naman nina Inoue at Kazu na maging komedyante sa mga palabas sa telebisyon.

Kung mabibigyan ng pagkakataon, gusto ring masubukan ng HPN 3 na sumubok umarte sa mga pelikula o gumawa ng commercial.

Ayon sa tatlo, sila ay may pusong Filipino kaya umaasa silang susuportahan rin sila ng mga Filipino.

"Kami sigurado magiging sikat na komedyante kasi kailangang power," ani Kazu.

"Ako ay pusong Filipino. Gusto kong Filipino asawa, sino maging asawa ko," biro pa ni Yuuki.

Bukod sa pag-aaral ng wikang Filipino, abala ang tatlo ay paglibot sa iba't ibang lugar sa Pilipinas. Gumagawa rin sila ng mga video kung saan kanilang ipinapakita ang kanilang mga karanasan sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.