VIRAL: Banyaga, nag-alok ng $100 kapalit ng sanggol

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 08:49 PM | Updated as of May 11 2017 10:41 AM

Photo courtesy of Meneil Lopez, ABS-CBN News

Kumakalat na ngayon sa social media ang video ng isang banyaga na nag-alok ng $100, o humigit-kumulang P5,000, kapalit ng isang sanggol.

Ayon kay Cher Herrera, nilapitan sila ng matandang Amerikano noong Mayo 5 habang nagkakape kasama ang kanyang pamangkin sa isang mall sa Bacolod. 

Bitbit ng kanyang pamangkin ang tatlong buwang anak nito.

"Initial approach niya sa amin 'What a beautiful baby you have there.' We just smiled at him and took it as a compliment," pahayag ni Herrera.

Ikinagulat na lang nila ng idagdag ng banyaga na: "I wanna buy your baby for a hundred dollars."

Nang tanungin kung bakit niya gustong bilhin ang bata, tugon umano ng banyaga na palalakihin at bibigyan niya ito ng magandang edukasyon.

Dito na siya tuluyang naalarma at kanyang nai-video ang kanilang paguusap.

"Sabi ko 'it's not a dog na bibilhin mo yung bata.' Tapos sabi niya "I know its not a dog. I want to buy that baby. I want to buy it."

"Doon ako nagalit talaga. 'That's insane! Get the hell out of here' sabi ko," sabi niya.

Para kay Herrera hindi katanggap-tanggap ang asal ng banyaga na nagpapaalala sa kanya sa mga lumalabas na balita ng mga batang dinudukot, inaabuso at ipinapakita online ang pang-aabuso.

"Hindi naman kami kawawa. Hindi naman kami mukhang pulubi pero he got the nerve to approach us. What about sa mga taong palaboy or street children dyan? Na-imagine mo yung makikita mo sa news na mga batang inaabuso kaya sabi ko I need to do something na ma-locate ang taong ito at maimbestigahan," paliwanag niya.

Aniya, wala namang magiging problema kung talagang walang nilabag na batas ang banyaga. Gusto lang niya na marinig mula dito kung bakit inalok siya ng pera kapalit ng bata.

"I have lots of friends around the world and they saw what I posted. Sabi nila very alarming yan at may ilang nagsasabi din na compliment lang daw. But when you say you want to buy a baby, that's a different story," dagdag niya.

Marami ang nagpahayag ng suporta sa ginawa ni Herrera pero may mga taong 'di rin sang-ayon sa kanya.

"Marami akong alam dito sa atin na yung mga ina o parents mismo, sila nagbebenta ng mga anak nila. Ang nakakatakot, kung makasalamuha nila itong tao na ito na nago-offer, iga-grab kaagad yung opportunity and then kawawa yung mga bata," sabi niya.

Nagpa-blotter sa pulisya si Herrera kinabukasan at saktong naabutan na naman niya muli ang banyaga na nakatambay sa nasabing mall.

Tumawag siya sa pulisya pero ipinaliwanag sa kanya na mayroong proseso na dapat sundin at hindi pwedeng basta-basta imbitahan sa presinto ang banyaga.

"Naintindihan ko naman procedure ng pulis. Nilapitan ko siya. But before that, nag-coordinate ako sa security, pinakita ko blotter report ko," sabi niya.

Sa komprontasyon nila, itinanggi ng banyaga na may sinabi siyang gusto niyang bilhin ang bata. Tumanggi din siyang magbigay ng impormasyon.

"None of your business" ang tugon sa kanya at "I'm here to look for a wife."

Hiling ni Herrera, "maging vigilant talaga yung iba."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.