Misyon ng siklista sa kapwa, kumalinga

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2017 02:38 AM

 

Hindi lahat ng anghel ay may pakpak at sa langit nakatira. Mayroon din namamalagi sa lupa na naka-bisikleta.

Sa bilis ng takbo ng buhay ngayon, iilan na lamang ang nakagagawang huminto, lumingon, at magbigay pagpapahalaga sa buhay ng tao.

Pero iyan ang isinabalikat na misyon ni Khelvin Federigan.

"Hindi naman natin kailangan ng kahit anong yaman o pwesto sa pamahalaan para makatulong sa kapwa," paliwanag ni Federigan sa panayam sa DZMM nitong Biyernes. 

Para sa kanya, kung talagang nanaisin, nandiyan ang lahat ng oportunidad para makatulong at makapagbahagi ng biyayang natanggap.

"Marami pong simpleng paraan ng pagtulong tulad ng ginagawa ko na bawat nadadaanan ko hihihintuan ko, kinakamusta ko kalagayan nila," sabi niya.

Hindi inakala ni Federigan na ang kanyang pagpadyak sa pedal ng kanyang bisikleta ang maglalapit sa kanya sa mga taong nangangailangan ng tulong.

Sa katunayan, kaya siya nag-umpisang magbisikleta ay para panandaliang takasan ang mga suliranin sa buhay.

Breadwinner si Federigan ng kanyang pamilya. 

Wala silang sariling bahay at nakaranas na mapalayas dahil walang pambayad ng renta. Ang kanyang ina ay isang OFW pero hindi pa rin nasasapat ang kinikita at baon sa utang ang pamilya lalo't nagaaral pa ang kanyang mga kapatid.

Sa bawat pagkakataon ng kanyang pagbibisikleta, nakakasalubong niya ang mga taong may higit pang dinadalang suliranin kaysa sa kanya.

"Nakikita ko po yung mga tao halos walang tirahan, walang makain. Akala ko ako na yung may pinamalaking problema sa mundo. Kung tutuusin, maswerte pa pala ako," sabi niya sa naunang pahayag sa TV Patrol.

Isa sa kanyang natulungan ay ang mag-asawang Alfredo at Emilia Calderon.

Nadaanan niya ang lumang pedicab ng mag-asawa na nakaparada sa gilid ng daan. Nalaman niyang nasa loob ng pedicab si Aling Emilia dahil ito ay na stroke. 

Natulungan ni Federigan at ang kagrupo niyang siklista sa Cavite ang mag-asawa na makauwi sa Mindoro.

Gamit ang social media, nakakuha ng mas malawak na responde si Federigan para sa mag-asawa.

Sa pinakahuling update sa Facebook account ni Federigan, naibalita nito sa isang nakikumusta sa kalagayan ng mag-asawa na pumanaw na si Aling Emilia noong Abril 3.

Pero hindi dito nagtatapos ang pagtulong niya sa kapwa.

Kuwento niya, isang araw matapos maihatid ang mag-asawa ay isang binata naman ang kanyang nakita sa kalsada.

"Naghiwa-hiwalay na po kami ng kagrupo ko nang madaanan ko po si Jayjay sa parteng Molino," sabi niya.

"Sabi ko 'Sir, parang nabugbog si kuya ah.' Nakahubad at iika-ikang maglakad. Nilingon ko pa rin at nakita ko mukha niya kahit madilim. Tapos pag-uwi ko ng bahay, pag charge ko po ng phone ko, lumitaw kaagad sa newsfeed na missing person at napansin ko na parang may kahawig," banggit niya.

Binalikan kagad niya ang binata sa Bacoor at hindi nga siya nagkamali. Isang linggo na palang nawawala si Jaymart "Jayjay" Ylores na taga Bulacan. 

Nanawagan pa sa Lingkod Kapamilya ang pamilya ng binata bago siya naibalik sa kanila.

Isa pang ipinapanawagan ni Federigan ay si Nanay Eugenia Rosario na kanyang nakitang nakatira sa kalsada sa Tarlac matapos na umakyat ng Baguio.

"Nalulungkot ako na iniwanan ko siya sa ganung kalagayan. Marami naman po akong inoffer na tulong. Lahat po tinanggihan niya. Masaya na raw po siya sa kalye," kwento niya.

Sa pakikipag-kwentuhan niya kay Nanay Eugenia, nalaman niyang may mga anak sa Iloilo at Zamboanga ang 76-anyos na matanda. May mga kamag-anak din siya sa Pangasinan pero ramdam niyang naging pabigat siya kaya't pinili na lang niyang mag-isa sa kalye.

"Kung may nakakakilala sa kanya, nasa gilid lang po siya ng kalsada sa Capas, Tarlac, malapit sa public market," sabi niya.

Tila idinadaan din si Federigan sa mga taong nangangailangan ng pagkalinga.

Ayon kay Federigan, hindi na siya nakapunta sa studio para sa panayam sa kanya ng Lingkod Kapamilya Biyernes ng umaga dahil may tinulungan siyang matanda.
 
"Kasi po may matandang nabuwal, nabagok yung ulo. Sinundo ko po yung ambulansiya. Nahatid na po sa ospital," sabi niya.

Gaya ng maraming naghahanap ng kanilang anghel sa lupa, umaasa din si Federigan na may aakay sa kanya sa biyahe upang muling masulyapan ang isang kapatid na matagal na niyang hindi nakikita.

“Mayroon po akong kapatid ngayon na hindi ko pa po nakikita o nakakasama. Bata pa po siya, ipinamigay na po siya sa ibang pamilya. Sana, balang-araw, makita ko po ulit yung kapatid na yun,” sabi niya.