Nag-viral na lolang nakalimutan ang mister, tampok sa 'ASAP TLC'

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2018 04:51 PM | Updated as of Apr 15 2018 07:49 PM

Sa kabila ng problemang kinahaharap ni Tarcilla Sangalang sa pag-alala, nananatiling matamis at matatag ang samahan nila ng kaniyang mister na si Benjamin.

Nag-viral sina Tarcilla, 86, at Benjamin, 93, kamakailan sa social media matapos i-post ng kanilang apong si Rizaldy sa Facebook noong Marso 21 ang video ng panunuyo ng lola kay lolo.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa segment na "TLC" ng "ASAP" nitong Linggo, ibinahagi ni Benjamin ang kuwento sa likod ng viral video.

Aniya, natulog siya sa sala matapos palayasin ni Tarcilla sa kanilang kuwarto dahil hindi siya nito matandaan.

Pero nang makaalala na si Tarcilla ay sinuyo niya ang mister.

"Ba't diyan ka nahiga? Ano ba'ng problema?" sabi ni Tarcilla sa viral video habang tila ginigising si Benjamin at pinipilit na bumalik sa kanilang kuwarto.

"Pinalalayas mo ako roon eh," tugon naman ni Benjamin.

"Pinalalayas ko raw siya. Kailan 'yon?" ani Tarcilla.

"Sabi mo magagalit ang asawa mo," sagot ng lolong mistulang nagtatampo.

 

Ngayo'y may higit 12,000 reactions at 43,000 shares ang video sa Facebook.

Ayon sa kanilang anak na si Lucilla, 68 taon nang nagsasama sina Tarcilla at Benjamin, na nagsimula bilang magkapitbahay.

"Napasagot niya ang nanay ko sa pamamagitan ng pagsuyo, pagdadala ng bulaklak," kuwento ni Lucilla, na panganay sa 10 magkakapatid.

Nagsimula umanong mag-ulyanin si Lucilla nang mamatay ang isa sa mga anak nito, ayon sa apong si Rizaldy.

Pero ayon kay Benjamin, nauunawaan niya ang kalagayan ng asawa.

"Kailangan maunawain ka, ikaw na lalaki," ani Benjamin.

Sa kabila ng situwasyon, batid pa rin ang tamis sa relasyon nina Tarcilla at Benjamin.

"Hindi kakain lolo ko hangga't wala 'yong lola ko. Walang natutulog sa kanilang dalawa hangga't 'di sila nagbabati," kuwento ni Rizaldy.

Inalay nina Erik Santos at Kyla ang awiting "Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko" para kina Tarcilla at Benjamin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.