VIRAL: Video ng batang umaarte bilang kontrabida

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2017 03:16 PM | Updated as of Apr 07 2017 03:54 PM

 


Pinag uusapan ngayon sa social media ang isang tatlong taong gulang na batang babae na magaling umarte bilang kontrabida. 

Siya si Brianna "Yanni" Gonzaga na taga Polomolok, South Cotabato.

Sa video na na-upload ng kanyang ina sa Facebook, may pinagagalitan at sinasabihan si Yanni na suplada. Kina-karir din niya ang pagiging kontrabida kaya hindi kataka-taka kung pinag-uusapan siya ngayon sa social media.

Umabot ng 279,000 views ang kanyang video, may 5,500 likes, 5,000 shares at higit isang libong comments.

Ikinagulat naman ng kanyang ina na marami ang natuwa sa video ng anak na kanyang inupload noong March 27.

"First time ko din nakita ang talent niya sa acting pero usually pag nanonood kami ng TV. Haharap siya sa mirror iniimitate niya yung nakikita niya sa TV. Na-shocked din ako kasi di namin in-expect na maraming mag-view. Marami ring haters and bashers,” sabi ng kanyang ina na si Goerlyn Oximer.

Pero umani rin ito ng negatibong reaksyon mula netizens. Dapat raw turuan ng magandang asal ang bata at gumamit ng po at opo tuwing makikipag-usap sa nakakatanda sa kanya.

Nasaktan naman rito si Goerlyn. Paliwanag niya, acting lang ang lahat. Sa video, ginagaya raw nito ang Your Face Sounds Familiar Kid actress na si Xia Vigor.

"Actually, nasasaktan din pero tuturuan ko na lang si Yanni na paglaki niya, di na pansinin ang mga taong ganyan. Di lang kami particular sa po at opo kasi di man kami Tagalog, Ilonggo kasi talaga kami sa bahay pero no bad words talaga yan siya," paliwanag niya.

Sa video, galit si Yanni kay “Cholo” at “Lola Bebs”. Ayon sa kanyang ina, si Cholo ay head nurse sa kanyang pinapasukang ospital.

"Si Cholo ay yong head nurse namin. Kasi before ako mag-go ng work, sinasabi ko na magagalit si Sir Cholo kung male-late ako," ayon sa kanya.

Si Lola Bebs naman o si Lola Bebeng ay ang tagapag-alaga kay Yanni ng higit isang taon.

Kwento pa ng kanyang ina, hilig daw talaga ng anak ang pag-acting at ang kanyang mga laruan ang kanyang pinapapraktisan.
 
Kung sa video kontrabida si Yanni, sa totoong buhay, bida sa puso ng kanyang ina ang bata. Malambing raw kasi na anak at alaga si Yanni.

Paborito niya ang teleseryeng “Ang Probinsyano” na pinagbibidahan ni Coco Martin bilang Cardo na pangarap din niyang personal na makita.
 
May paalala naman ang Municipal Social Welfare and Development Office sa magulang ni Brianna dahil maaapektuhan raw nito ang karakter ng bata.

“Okay siya kung ma-proseso at malagay sa tama na ma-distinguish ng bata na what is she doing is just merely acting,” pahayag ni Michael Jess Lapid, psychologist ng MSDW sa Polomolok. 

Paliwanag pa ni Lapid, “Dahil pag maproseso kasi nabibigyan ng atensyon yong ginagawa niya specially pag ina-appreciate pa talaga, mare-reenforce yong ugali ng bata. Malaki ang tsansa na permanent part of her behavior in dealing with other people dahil nare-enforce na. Pangatlo, kung ang effect nito ay makakasama sa bata, then viral video is hindi maging okay. Pero once ma-proseso ng pamilya o tao sa bahay na acting lang talaga ito, made-develop ang skills ng bata then i-minimize lang yong sensitive words.”

Ayon sa kanyang ina, habang bata pa si Yanni ay titiyakin niya na magagabayan ng mabuti ang bata at patuloy na tuturuan ng magandang asal.