VIRAL: Larawan ng babaeng nag-aaral kahit lumilindol

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2017 04:19 AM

Usap-usapan sa internet ang larawan ng isang babaeng nakaupo sa gilid ng kalsada habang nagbabasa.

Ipinost ito ng isang hindi nagpakilalang uploader sa Facebook page ng Lyceum of the Philippines University Batangas Files.

Umani ang larawan mga papuri.

Ang babae sa litrato ay si Fatima Ludovice, 2nd year Business Administration student sa Lyceum-Batangas. Hindi umano niya alam na may nag-picture sa kanya.

“Sobrang nagulat ako. Oo, ako iyan,” ani Fatima.

Ayon sa kanya, inabutan siya ng magnitude 5.5 na lindol habang nagre-review para sa final exams nila.

Nang matapos ang pagyanig, lumabas siya sa boarding house at sa kalye itinuloy ang pag-aaral.

Bunso sa apat na magkakapatid si Fatima at inspirasyon niya sa pag-aaral ang mga magulang na 25 taon nang nagta-trabaho sa ibang bansa.

Inspirasyon naman ngayon ang kwento ni Fatima na hindi nagpadala sa takot sa lindol, makapag-review lang para maitawid ang final exams.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.