Lolo sa Cebu, gumagawa ng bisikletang kahoy

Aiza Layague, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2017 01:09 AM | Updated as of Mar 31 2017 04:44 AM

Gawa sa lumang kahoy at pako ang bisikletang inimbento ni Renerio Colina. Aiza Layague, ABS-CBN News

CEBU - Isang 80-taong gulang na lalaki ang sikat ngayon sa social media dahil sa kanyang kakaibang imbensyon, ang bisikletang kahoy.

Usap-usapan sa social media ang larawan ng isang lalaking sakay sa isang bisikleta, ngunit hindi tulad ng karaniwang bisikletang gawa sa metal at aluminum, gawa sa kahoy ang bisikleta.

Kinilala ang lalaki na si Renerio Colina, ang tinaguriang "innovative wood bike maker" ng Barangay Subangdako sa Mandaue City.

Gamit niya sa paggawa ng bisikleta ang mga piraso ng kahoy at pako na itinapon na ng ibang tao.

Bata pa lamang ay may problema na sa pandinig si Colina, ngunit sa murang edad rin ay kinakitaan na siya ng hilig sa pag-iimbento.

Ayon sa kanyang kapatid na si Melchor, kumikita si Colina sa pagbenenta ng kanyang mga bisikleta sa halagang P250.

Kilala na rin sa mga karatig-lungsod ng Mandaue City ang mga bisikletang gawa ni Colina.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.