‘PDEA ka ba?’ Sa Puerto Princesa, mga hugot lines sa mga ‘love tricycle’

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 11:10 PM

May libreng sakay ang "love tricycle" ng Puerto Princesa City Jail. Courtesy of Puerto Princesa City Jail.

PUERTO PRINCESA CITY—Makulay at puno ng puso at mga cheesy na linya ang mga love tricycle ng Puerto Princesa City Jail na ipinarada sa Junction 3 sa lungsod na ito.

Sa ika-apat na taon ng community service ng city jail, handog nila muli ang libreng hatid sa mga magkasintahan mula Barangay Sta Monica hanggang Barangay San Jose ngayong Valentine’s Day.

Pero may bagong twist ang love tricycle ngayong taon, dahil ang kanilang mga hugot line may kinalaman sa anti-drug campaign.

Makikita sa mga love tricycle ang mga linyang: "May forever ka na ‘di masaya kung sa droga ka makikisama." 

O kaya naman: “PDEA ka ba? Kasi wala kang ibang alam gawin kundi i-stalk ang bawat kilos ko at i-survey ang buhay ko hanggang sa dumating ang punto na makuha mo ang puso ko at mahuli mo ang matamis kong ‘oo.’ ”

“Target po namin ngayong buwan is ma-declare po ang Puerto Pricesa City Jail na drug-cleared jail facility. Ni-relate po namin itong activity doon kagaya ng pagdidikit po namin ng mga banat at hugot lines na related sa droga at related siya sa pagmamahal,” ani ni Jail Inspector Arnel Anchales, assistant city jail warden.

Kasama rin sa programa ang libreng pagpapatingin ng blood pressure at anti-drug pamphlets sa mga sumakay.

Ang tanging hiling na bayad ng Puerto Princesa City Jail sa mga pasahero ay simpleng mensahe ng pasasalamat at mga ngiti.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.